Natangayan kahapon ng mahigit sa P3, 000 cash at isang kahon ng donut ang isang establisimiyento sa Marikina City nang magdeklara ng holdap ang isang lalaki sa pamamagitan ng isang liham na iniabot sa cashier.

Ayon sa mga imbestigador ng Eastern Police District (EPD), isinulat ng hindi kilalang suspek ang kanyang hangarin sa pagpasok sa Dunkin Donut outlet sa Bayan-bayanan Avenue, Concepcion Uno.

Nagpanggap ang suspek bilang customer bago iniabot ang isang pirasong papel kay Ruth Masumpad, 21, cashier ng donut store.

“Hold-up, amin na lahat. Kalma ka lang miss para walang mamatay sa inyong dalawa, sa labas kasama ko nakaabang,” nakasaad sa liham ng suspek na narekober ng pulisya.

Metro

Klase, government offices sa NCR, Region III at IV-A suspendido sa Hulyo 25

Nasaksihan din ni Judie Ann Yango, 20-anyos na empleyado ng donut store, nang tangayin ng suspek ang isang kahon ng donut at P3,000 mula sa cash box bago tumakas.

Napag-alaman din ng pulisya na walang bitbit na baril o patalim ang suspek nang pasukin ang naturang establisimiyento.

Kinuha rin ng pulisya ang CCTV footage ng Dunkin Donut shop sa pag-asang matukoy ang pagkakakilanlan ng holdaper.

(BETHEENA KAE UNITE)