Sinimulan na ng Philippine National Police (PNP) ang pamamahagi sa ikalawang bagsak ng 13th month pay para sa 160,000 tauhan nito sa pamamagitan ng ATM account ng mga pulis.
Ito ay matapos aprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas ngP2.027 bilyon na inilaan sa 13th month pay ng mga pulis, ayon kay PNP chief Director General Ricardo Marquez.
“Ang naturang halaga ay kumakatawan sa 50 porsiyento ng kanilang 13th month pay at iba pang cash benefit na nakasaad sa batas,” pahayag ni Marquez.
Ang unang 50 porsiyento, ayon sa PNP chief, ay ipinamahagi na sa mga pulis noong Mayo 2015.
Agad na nilinaw ni Marquez na hindi lahat ng tauhan ng PNP ay makatatanggap ng bonus.
“As a disciplinary policy, release of the 13th month pay to the PNP personnel with pending administrative and criminal cases is deferred,” ayon sa opisyal. (AARON RECUENCO)