Pormal nang isinapubliko ni OFW Family Party-list Rep. Roy Señeres, na tumatakbo sa pagkapangulo sa 2016, ang kanyang vice presidential candidate at senatorial line-up.

Sa isang pahayag, pinangalanan ni Señeres ang kanyang katambal sa 2016 na si Ted Malangen at kapwa sila tatakbo sa ilalim ng Partido Manggagawa at Magsasaka (PMM).

Sinabi ng dating ambassador na kabilang sa kanilang senatorial slate sina Sultan Sharif Ibrahim Albani, Aldin Ali, Atty. Gerry del Mundo, Atty. Jude Sabio, Atty. Ted Ong, Gion Guonet, dating Armed Forces chief of staff at PDEA chief retired Gen. Dionisio Santiago at whistleblower na si Sandra Cam.

Samantala, pinangalanan din ni Señeres bilang mga “adopted candidate” ng PMM ang mga senatoriable na sina Congressman Sherwin Gatchalian, broadcaster Rey Langit, Congressman Sammy Pagdilao, Alan Montano, at OFW advocate Susan “Toots” Ople.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Aminado naman si Señeres na hindi pa pinal ang kanilang senatorial line-up dahil pinoproseso pa rin ang ilang personalidad na naghayag ng interes na sumabak sa 2016 elections.

Nangunguna, aniya, sa kanyang plataporma ang pagbibigay-tuldok sa contractual employment scheme at pagbibigay ng proteksiyon sa mga OFW laban sa pang-aabuso at panggigipit ng kanilang employer. (Samuel P. Medenilla)