Dalawang koponan ng Pilipinas na irerepresenta ng Philippine Super Liga (PSL) at V-League ang sasabak kontra sa mas mga beterano at mahuhusay na dayuhang koponan na mag-aagawan sa titulo bilang pinakaunang kampeon sa 1st Spike for Peace Beach Volleyball Tournament sa isasagawa sa Philsports Arena simula Nobyembre 27.
Ang Team PSL ay bubuuin ng tinanghal nitong kampeon na pares na sina Danica Gendrauli at Norie Jean Diaz habang ang Team V-League ay bubuuin naman nina Fil-Am Alexa Micek at beteranong si Charo Soriano.
Kumpleto na ang 12 dayuhang koponan na sasabak sa torneo na inoorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) sa pakikipagtulungan ng Larong Volleyball ng Pilipinas Incorporated matapos huling sumali ang powerhouse na Brazil at Indonesia.
Sinabi ni PSC Consultant at Tournament Commissioner Eric LeCain, na pinakahuling nagkumpirma ng kani-kanilang paglahok ang Brazil na kabilang sa regular na koponan at ang Indonesia na parte naman sa dalawang wildcard entry kasama ang isa pang koponan ng Pilipinas.
“We have now a complete lineup of a total of 14 teams,” sabi ni LeCain. “We have 12 regular teams and two wild card entries one of which was given to the host country Philippines. So we will now have two entries for the host.”
Ang koponan nina Gendrauli at Diaz ang nagkampeon sa unang edisyon ng Philippine Super Liga Beach Volley Challenge Cup.
Una nang hiniling ng nag-oorganisang PSC sa LVPI na mahiram ang serbisyo nina Alyssa Valdez mula Ateneo De Manila at Juvelyn Gonzaga mula sa Philippine Army upang irepresenta ang bansa. (Angie Oredo)