HABANG nagpupulong ang mga pinuno ng iba’t ibang bansa sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) noong nakaraang linggo, ang kani-kanilang maybahay ay naglibot naman sa Intramuros, na itinayo ng mga Kastila mahigit 400 taon na ang nakararaan.
Naalala ko ang paglalakbay ko kamakailan sa Italy, na may napakayamang kultura. Nakamamangha ang napakataas na pagpapahalaga ng mga Italyano sa kanilang kultura.
Halos tatlong taon nang dumaranas ng recession ang Italy, ngunit hindi ito nagiging dahilan para pabayaan ng gobyerno ang kanilang kultura. Ayon sa ulat ng Deutsche Welle (DW), nag-akda ng bagong batas ang Italy, tinatawag na Art Bonus, upang matiyak na may pondong magagamit sa restoration at pangangalaga sa mga pag-aaring may kaugnayan sa kultura.
Ang nasabing batas ay nagbibigay ng tax deduction at tax credit sa mga pribadong indibidwal at korporasyon na nagdo-donate para sa pangangalaga sa mga lumang istruktura, monumento at iba pang yamang kultura.
Magandang halimbawa ang Italy sa pagpapahalaga sa kultura, at dapat itong tularan ng Pilipinas, lalo at madalas nanganganib ang ating mga makasaysayang istruktura dahil sa mga bagyo, lindol at iba pang kalamidad.
Kung ihahambing sa Italy, masasabing mababa ang pagpapahalaga ng mga Pilipino sa pangangalaga sa ating yamang kultura.
Mahalagang mabago ang sitwasyong ito dahil nga sa panganib na idinudulot ng mga kalamidad, ayon kay Ivan Anthony S. Henares, pangulo ng Heritage Conservation Society of the Philippines.
Sa ulat na isinulat ni Catarina Pinto noong 2014, sinabi ni Henares na ang heritage conservation ay hindi tumatanggap ng parehong atensiyon na gaya ng edukasyon, kalusugan at kalikasan.
Binigyang-diin ni Henares na may idinudulot ding benepisyo sa ekonomiya ang cultural preservation. Pinalalakas nito, halimbawa, ang industriya ng turismo.
Pasok sa World Heritage List, sa ilalim ng United Nations’ World Heritage Convention, ang limang lugar sa Pilipinas: Tubbataha Reef National Marine Park, Rice Terraces of the Philippine Cordilleras, Historic Town of Vigan, Puerto Princesa Subterranean River National Park, at Baroque Churches of the Philippines.
Sa isa pang artikulo na pinamagatang “Community-based Cultural Heritage Projects in the Philippines: Tourism and Heritage Management Partnerships,” sinabi ni Miguela M. Mena na ang malaking populasyon ng Pilipinas, ang mahigit isandaang pangkating etniko nito, at ang malaking impluwensiya ng mga dayuhan sa mahabang panahon ay humubog ng natatanging kulturang Pilipino.
Sa aking pananaw, hindi naman napakalaking halaga ang magugugol sa pangangalaga sa mga makasaysayang dako at istruktura. Ang pagpapalawak sa kabatiran ng mga mamamayan ukol dito ay aakit din sa mga pribadong indibiduwal at grupo upang tumulong.
Sa huli, pag-isipan natin: Ano ang isang tao na walang kaluluwa, at ano ang isang bansa na walang sariling pagkakakilanlan?
(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o bumisita sa www.mannyvillar.com.ph) (MANNY VILLAR)