Bagamat sinasabing hindi mapanganib sa kalusugan, pinayuhan pa rin ng Department of Health (DoH) ang mga residente na agarang kumonsulta sa doktor sakaling nakaranas ng hirap sa paghinga matapos na makalanghap ng masamang amoy ng kemikal na tumagas mula sa isang pabrika ng plastik sa Quezon City, kamakailan.
Matatandaang inirereklamo ng mga residente ng Pasig City ang nalanghap nilang mabahong amoy ng kemikal na styrene polymer monomer, na mula sa D&L Industries na nasa Quezon City.
Ayon kay DoH Spokesman Dr. Lyndon Lee-Suy, lumilitaw sa environmental documents na hindi masyadong health hazard ang naturang kemikal.
Aniya, hindi na rin kinakailangan ng mga residente na lumikas dahil sa insidente.
Gayunman, may posibilidad aniyang magkaroon ng skin at eye irritation ang sinumang malalantad sa naturang kemikal kahit na sa maikling panahon lang.
Pinayuhan din ni Suy ang mga apektadong residente na kaagad na kumonsulta sa doktor kapag nahirapang huminga.
(MARY ANN SANTIAGO)