Bumagsak na rin sa kamay ng batas ang isa pang suspek na kabilang sa mga sumaksak at nangholdap sa isang babaeng pulis sa Tondo, Maynila, noong Nobyembre14.

Kinilala ang huling naaresto na si Richard Ruiz, alyas “Kenneth”, na dinampot ng pulisya sa kanyang pinagtataguan sa Isla Puting Bato sa Tondo, nitong Lunes ng hapon.

Sinabi ni Supt. Redentor C. Ulsano na isa si Ruiz sa mga sumaksak kay PO1 Jinky Monsanto, habang patungo ang huli sa dry run ng seguridad para sa mga dadalo sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) meeting, sakay ng kanyang motorsiklo noong Nobyembre 14.

Naipit umano si Monsanto sa trapiko sa Road 10, malapit sa labasan ng Harbor Center at Marala Bridge, nang lapitan siya at tutukan ng patalim ng grupo ni Ruiz.

National

PBBM sa WPS: 'Ito ay hindi kathang isip lamang, ito ay atin!'

Ang tatlong kakutsaba ni Ruiz ay naaresto sa follow up operation ng pulisya nitong Nobyembre19.

Nabawi rin ng pulisya ang Glock .9mm service pistol ni Monsanto kay Ruiz, ayon kay Ulsano.

Positibo ring itinuro ni Monsanto si Ruiz na isa sa mga sumaksak sa kanyang balikat at tumangay sa kanyang baril at P8,000 cash, na hindi na nabawi ng pulisya sa suspek. (Jenny F. Manongdo)