LABING-ANIM na buwan na ang lumipas simula nang tukuyin ng Korte Suprema na labag sa batas ang Disbursement Acceleration Program (DAP) ng gobyerno, ngunit nagpapatuloy pa rin hanggang ngayon ang mga epekto ng nasabing desisyon.
Kamakailan lang, nagbabala ang Commission on Audit (COA) sa National Irrigation Administration (NIA) laban sa paggastos ng P117.6 milyon mula sa pondo ng DAP para sa dalawang proyekto ng NIA—ang Umayam River Irrigation Project at ang Casecnan Multi-Purpose Irrigation Power Project.
Nang ipinalabas ng Korte Suprema ang desisyon nito sa DAP noong Hulyo 2014, sinabi nitong dapat na papanagutin ang mga sangkot sa paglalabas ng mga pondo para sa mga proyektong hindi inaprubahan ng Kongreso. Ngunit hindi na kailangang ibalik pa ang mga pondong inilabas at ginastos. Pinaniniwalaang walang masamang intensiyon ang mga opisyal ng mga ahensiyang nagpatupad ng mga proyekto dahil wala pang desisyon noon tungkol sa pagiging labag sa batas ng DAP nang gamitin ang pondo.
Gayunman, matapos na ipalabas ang desisyon ng kataas-taasang hukuman ay hindi na dapat pang naglabas ng pondo sa ilalim ng DAP. At ang alinmang pondo na inilabas ngunit hindi pa nagagamit ay dapat na ibalik sa National Treasury.
Sa kaso ng NIA, nasa P558.576 milyon ang nagastos na para sa dalawang proyekto sa irigasyon. Ang halagang P117.6 milyon ay hindi pa nagagamit; kaya dapat na ibalik na ito ngayon.
Daan-daang milyong pondo ng gobyerno ang inilabas sa nakalipas na mga taon sa ilalim ng DAP sa iba’t ibang ahensiya at kagawaran ng gobyerno. Umasa tayo na titiyakin ng COA na maisasauli sa National Treasury ang mga hindi pa nagamit na DAP, alinsunod sa desisyon ng SC.
Kung tunay na mahalaga ang mga orihinal na proyekto ng DAP, dapat na isama ito ng gobyerno sa National Budget sa susunod na taon, batay sa probisyon ng batas na nagsasaad na nasa Kongreso ang kapangyarihan sa paggastos at tanging mga proyektong inaprubahan nito sa taunang General Approppriations Act ang maaaring pondohan—hindi ang alinmang proyekto ng DAP na inaprubahan lang ng Malacañang at ng Department of Budget and Management.