Nanawagan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mamamayan na mamuhay nang normal at hindi kailangang umiwas sa mga pampublikong lugar, dahil walang dapat katakutan.

Ito ay matapos tiyakin ng liderato ng AFP na wala itong natatanggap na intelligence report tungkol sa ano mang banta ng terorismo sa bansa.

Naglabas ng pahayag ang AFP bunsod ng mga ulat na maglulunsad ng mga pag-atake ang mga miyembro ng international terrorist group, kabilang ang Islamic State (IS), sa mga bansang kaalyado ng United States.

Matapos ang maayos at tahimik na pagdaraos ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders’ Summit sa Maynila noong nakaraang linggo, naiulat na nanawagan si Presidential Spokesman Edwin Lacierda sa mga Pinoy na iwasan ang matataong lugar, matapos ang terrorist attacks sa Paris, France nitong Nobyembre 13.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Maaaring taken out of context po si Secretary Lacierda nung siya ay nanawagan na huwag magpunta sa mga public places,” pahayag naman ni AFP Spokesman Col. Restituto Padilla.

Sinegundahan ito ni Col. Noel Detoyato, hepe ng AFP Public Affairs Office, sinabing walang validated report tungkol sa banta ng terorismo sa Pilipinas.

Sa kabila nito, pinayuhan ni Detoyato ang mamamayan na manatiling mapagmasid at alerto laban sa posibleng paghahasik ng terorismo sa bansa at agad na ipaalam sa awtoridad ang mga kahina-hinalang pagkilos ng ano mang grupo.

(Elena Aben)