Nakatakdang maglaro sa darating na Sabado si volleyball superstar Alyssa Valdez sa kanyang koponang PLDT Home Ultera kung saan makakalaban nito ang Philippine Army (PA) sa pagsisimula ng best of three duel para masungkit ang titulo ng Shakey’s V-League Reinforced Conference.
Kahit wala pang kumpirmasyon kay reigning UAAP back-to-back MVP at sa kanilang head coach Roger Gorayeb, nakumpirma ang nasabing balita sa facebook account ng isa sa mga kakampi ni Valdez sa Ultra Fast Hitters.
Sa nasabing post sa FB, kumpirmado na maglalaro si Valdez na lubhang na-miss ng kanyang libu-libong tagahanga dahil hindi ito pinalaro sa mga naunang laban ng PLDT sa eliminations gayundin sa semifinals dahil nagpapagaling ito sa back injury.
Hindi naman nalalayo sa katotohanan ang nasabing balita dahil hindi man tuwirang inamin ni Gorayeb sa panayam sa kanya matapos ang kanilang semifinals win kontra University of the Philippines (UP) noong nakaraang Linggo, ay may problema pa ang koponan sa kanilang mga American import na sina Victoria Hurtt at Sareea Freeman na umano’y kinukuwestiyon ang papel para maglaro dito sa Pilipinas.
Ngunit tiniyak naman ni Gorayeb na paglalaruin ang dalawang import sa finals.
Kapag nagkataon, mas magiging malakas ang opensa sampu ng depensa ng Ultra Fast Hitters kung maglalaro si Valdez at ng dalawang import kontra sa katunggaling Lady Troopers na hindi pa nakatitikim ng talo mula noong elimination round. (Marivic Awitan)