Pagkalipas halos ng 36-taon, muling naitakda ang paghaharap sa kampeonato ng dalawa sa most “winningest” team sa UAAP men’s basketball tournament—ang University of Santos Tomas (UST) at Far Eastern University (FEU) para sa finals ng liga.
Ang paghaharap ng Tigers at Tamaraws ay naitakda makaraang patalsikin ng una ang dating kampeong National University (NU) sa pamamagitan ng 64-55 na panalo sa kanilang Final Four match noong nakaraang Linggo sa Araneta Coliseum.
Nagtala ng kanyang personal best na 19-puntos, 11 rebound at 7 assist ang dating NCAA juniors MVP mula sa Jose Rizal University (JRU) na si Louie Vigil upang pangunahan ang Tigers sa pag-usad sa kampeonato at itakda ang pagtutuos nila ng nauna ng finalist na Tamaraws na nagwagi naman kontra Ateneo, 76-74 noong Sabado.
Ang pagtutuos na ito ng dalawang koponan na siya ring nanguna sa nakaraang double round eliminations ang kanilang unang pagtatapat magmula ng huli silang magkaharap sa kampeonato noong 1979.
Taglay ng Tamaraws ang 19 na titulo bilang most winningest squad sa liga habang mayroon namang 18 ang Tigers kapantay ng University of the East (UE).
“May 19 sila, tapos 18 lang kami kaya kailangan naming manalo para kami tumabla sa una,” pabiro ngunit makatotohanang pahayag ni UST coach Bong de la Cruz.
Tinalo ng UST ng dalawang beses sa nakaraang eliminations ang Tamaraws, ngunit para kay de la Cruz, hindi garantiya na makakaya nila itong maulit sa finals.
“Kahit naka-dalawa kami sa kanila, elimination, hindi ibig sabihin na kayang-kaya naming maulit ‘yun kasi ibang level na itong finals,” ani de la Cruz.
Nagtala din ng double digit performance si team skipper Kevin Ferrer at kapwa graduating na si Jon Sheriff na matapos na may 11 at 10- puntos ayon sa pagkakasunod sa naturang panalo na tuluyang tumapos sa paghahari ng Bulldogs na nagtapos na no.4 team sa eliminations.
Aminado si NU coach Eric Altamirano na napakaganda ng ipinakitang laro ng UST partikular ang depensa ng mga ito habang naipakita naman nila ang pinakapangit na laro nila sa season.
“Nagkataon pa kung kelan Final Four we came up with our worst game this season. But I want to give the credit to UST because they really played a very good game particulartly on defense,” ani Altamirano. “Yung press nila, masyadong mahaba, dun talaga kami nahirapan.” (Marivic Awitan)