Matapos pumanaw si dating Sen. Ernesto Herrera, muling nahaharap sa krisis sa liderato ang pinakamalaking grupo ng manggagawa sa bansa, ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP).

Ito ay matapos ihayag ng isang paksiyon ng TUCP, na pinangungunahan ng dating presidente nito na si Democrito Mendoza, na magsasagawa sila ng pulong ngayong Martes sa Bayleaf Hotel sa Intramuros, Manila upang matukoy kung sino ang ipapalit kay Herrera.

“Since Mr. Herrera as holdover president has passed away, members of the general council are now mandated under their Constitution both an acting president and acting general secretary who are to prepare the way for a general convention who shall elect its new president,” pahayag ni Alan Tanjusay, tagapagsalita ng grupo ni Mendoza.

Samantala, iginiit naman ng kampo ni Herrera, na pinangungunahan ni dating Labor Secretary Ruben Torres, na hindi sila dadalo sa ipinatawag na pagpupulong ni Mendoza dahil ito ay isang paglabag sa desisyon ng Korte Suprema na may kinalaman sa krisis sa liderato ng organisasyon.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Base sa nakasaad sa konstitusyon ng TUCP, ipinaliwanag ni Torres na ang secretary general ng kanilang organisasyon na si Cedric Bagtas ang dapat na maupong pansamantalang pangulo.

Subalit nagdesisyon si Bagtas na ibigay na lang ang liderato ng TUCP kay Torres, na nagsilbing assistant secretary general, dahil hindi kaya ng huli na tugunan ang malaking responsibilidad bilang leader ng pinakamalaking grupo ng manggagawa sa bansa.

Binigyang diin din ni Torres na imposibleng makabuo ng quorum ang paksiyon ni Mendoza dahil 27 grupo ng manggagawa lang ang nasa ilalim ng TUCP.

Nais ni Torres na magdaos ng isang convention sa Marso 15, 2016 upang maihalal ang mga bagong opisyal ng TUCP base sa mga probisyon na itinakda ng kautusan ng Korte Suprema. (Samuel P. Medenilla)