Sinimulan na ng citizen’s arm group, na deputado ng Commission on Elections (Comelec), ang public demonstration ng mga bagong vote counting machine (VCM) na gagamitin sa eleksiyon sa 2016.

Ayon kay Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) Chairperson Henrietta de Villa, layunin nitong malaman ng publiko, partikular na ng kabataan, ang tamang paggamit sa mga counting machine.

Ipinaliwanag ni De Villa na nais din nilang maging kumpiyansa ang mga botante sa paggamit ng mga bagong makina.

Gagamitin din itong oportunidad upang gawing pamilyar ang mga poll watcher sa VCM.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Nabatid na sinimulan na ng PPCRV nitong Sabado ang unang public demo sa Cardinal Sin Auditorium sa Paco Catholic School sa Paco, Manila, na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa Archdiocese of Manila at mga diocese ng Pasay at Mandaluyong.

Ayon kay De Villa, ang susunod na public demo ay idaraos nila sa Nobyembre 26 para sa matatanda sa Cubao, na lalahukan ng tatlong vicariate.

Dadayo rin, aniya, sila sa mga lalawigan para sa public demo at ang una nilang bibisitahin ay ang Legazpi sa Nobyembre 30.

Umabot sa 97,517 VCM ang inupahan ng Comelec para sa May 2016 polls. (Mary Ann Santiago)