Walang pang-iisnab kay Chinese President Xi Jinping o pananadyang sirain ang kanyang mood nang dumalo siya sa regional summit sa Manila kamakailan, kung si Pangulong Benigno Aquino III ang tatanungin.

Ipinaliwanag ng Pangulo na hindi niya nagawang makipag-usap sa Chinese leader sa opening ceremony ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) summit dahil walang interpreter.

Ang tinutukoy ni PNoy ay ang red-carpet walk ng mga lider ng APEC patungo sa summit venue sa Philippine International Convention Center na maglungkot na naglakad si Xi. Kinunan nang live sa telebisyon, pinangungunahan ni PNoy ang mga lider ng APEC at nasa tabi niya sina Xi at Chilean President Michele Bachelet. Magiliw na nakikipag-usap si PNoy kay Bachelet habang si Xi ay naiwang walang kausap habang naglalakad.

“Noong naglalakad kami papunta doon sa function, wala akong katabi — wala siyang interpreter at wala rin akong interpreter. Nasa gitna namin si President (Michelle) Bachelet. So medyo mahirap talagang mag-uusap kayo kung iba ang lengguwaheng gagamitin niyo ‘di ba?” sabi ni PNoy sa media interview bago umalis sa Kuala Lumpur, Malaysia noong Linggo ng gabi.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

“Pero, sorry ha, nabasa ko lang somewhere na parang ano, paano ba ‘yon? ‘Aloof’ kami. Hindi aloof ano. Talagang kapag wala siyang translator, walang dialogue,” dagdag niya.

Nilinaw ni PNoy na kapag kausap niya ang Chinese president, ay karaniwang mayroong interpreter. “Iyong kapag sinabi ko sa kanyang ‘good morning’ sagot niya sa akin Chinese,” dagdag niya. (Genalyn Kabiling)