Sampung indibiduwal, kabilang ang isang Pinoy seaman, ang pinarangalan ng International Maritime Organization (IMO) dahil sa hindi matatawarang katapangan sa pagsagip ng buhay sa karagatan, sa seremonya sa IMO headquarters sa London kamakailan.

Tinanggap ng Pinoy seafarer na si Vicente Somera, tripulante sa M/V Lars Maerks, ang sertipikasyon ng komendasyon mula kay IMO Secretary General Koji Sekimizu, matapos kilalanin ang ipinamalas niyang katapangan nang sagipin niya si Mariner Steve Collins, na naglalayag sa barko nitong Enya II mula sa Australia patungong New Zealand.

Nagkaroon ng problema si Collins sa kanyang barko, kaya tumalon siya upang kunin ang messenger line na inihagis sa kanya ng crew members ng dumaang barko, pero dumanas siya ng hypothermia, kaya nagpasya si Somera na sagipin siya kahit mapanganib dulot ng malalakas na alon at hangin, bukod pa sa madilim sa dagat.

Ginamit ni Somera ang kanyang katawan upang protektahan si Collins upang hindi mahampas ang huli ng hagdanan, habang ilang miyembro ng MV Lars Maerks ang bumaba upang tulungan si Collins at iahon sa barko sa taas na 20 metro papuntang main deck.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Bukod kay Somera, siyam pang indibiduwal na miyembro ng rescue unit ang tumanggap ng komendasyon para sa iba’t ibang pagliligtas sa dagat.

Ang 2015 Exceptional Bravery at Sea Award ay ipinagkaloob naman kay Aviation Survival Technician Christopher Leon, ng US Coast Guard.

Sinaksihan ang seremonya nina Philippine Ambassador to the United Kingdom Enrique A. Manalo, na itinalagang Permanent Representative sa IMO; at Mr. Mick Kinley, Chief Executive Officer ng Australian Maritime Safety Agency (AMSA), na nag-nominate kay Somera para sa nasabing pagkilala. (Bella Gamotea)