Isang kilalang kritiko ng administrasyong Aquino, binigyan ni Senator Sergio Osmeña III si Pangulong Aquino at ang mga miyembro ng Gabinete ng “thumbs up” sign sa matagumpay na pangangasiwa sa idinaos na Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders Summit noong nakaraang linggo.

“Bigyan natin sila ng Grade A sa kanilang nagawa,” pahayag ni Osmeña sa panayam ng DWIZ.

At dahil maayos at maganda ang pangangasiwa sa APEC, idinepensa rin ng senador ang P10 bilyon na inilaan ng gobyerno para sa mga aktibidad sa okasyon.

Naniniwala rin si Osmeña na may positibong epekto sa Pilipinas, lalo na sa aspeto ng ekonomiya, ang pagdaraos ng APEC meeting sa Pilipinas.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Well, we will see that in the succeeding months and years because they bared so many plans,” dagdag ng mambabatas.

Bagamat mahirap, aniya, na sukatin ang tagumpay ng APEC meeting, iginiit naman ni Osmeña na malaking bagay ang pagkakalagay sa “center stage” ng Pilipinas sa international community dahil sa pagdagsa ng maiimpluwensiyang state leader, tulad nina US President Barack Obama, Japanese Prime Minister Shinzo Abe, Chinese President Xi Jinping at Singaporean Prime Minister Lee Hsien Loong.

Gayunman, ikinadismaya ni Osmeña ang kakulangan ng koordinasyon sa hanay ng mga lokal na pamahalaan na nagresulta ng pagkakabuhul-buhol ng trapiko sa Metro Manila bunsod ng pagsasara ng ilang pangunahing lansangan na itinalagang exclusive lane para sa mga state leader at delegasyon ng mga ito. (HANNAH TORREGOZA)