Binaril at napatay ng nag-iisang suspek ang isang hukom sa isang municipal court sa Northern Samar. Siya ang ikaapat na hukom na pinaslang ngayong taon.
Ayon kay Senior Insp. Mark Nalda, tagapagsalita ng Eastern Visayas regional police, ang suspek ay napatay din ng security escort ni Judge Reynaldo Espinar.
Si Espinar, 53, ang hukom sa Municipal Trial Court na nakabase sa Laong, Northern Samar.
“Nasa sabungan si Judge nang lapitan siya ng suspek at barilin sa ulo. Agad siyang namatay,” sabi ni Nalda.
Sinabi ni Nalda na nangyari ang insidente dakong 5:00 ng hapon nitong Linggo sa loob ng PADCOR cockpit arena sa Barangay 8 sa bayan ng Pambujan.
Agad na tumakas ang suspek, ngunit hinabol siya ng escort ni Espinar na si Wilfredo Saromenes, retirado mula sa Philippine Army, na bumaril at nakapatay sa kanya.
Agad ding namatay ang suspek, na nagtamo ng mga tama ng bala ng baril sa ulo at katawan, ayon kay Nalda.
Iniimbestigahan na ng pulisya ang motibo sa pagpatay, at inaalam na ang pagkakakilanlan ng suspek kung isa itong gun-for-hire.
Si Espinar ang ikaapat na hukom na pinatay ngayong taon, na ang una ay si Shariah court Judge Ibnohajar Puntukan, na pinaslang noong Marso 4.
Setyembre 1 naman nang barilin din at mapatay si Judge Erwin Alaba sa Baler, Aurora; habang nito lamang Nobyembre 11 pinaslang si Judge Wilfredo Nieves sa Malolos City, Bulacan. (AARON RECUENCO)