Pinatatag sa isinagawang dalawang araw na National Sports Stakeholders Forum (NSSF) ang agarang pagbubuo at pagpapatupad ng National Sports Council (NSC) na inaasahang tutugon sa pagpapalakas sa grassroots sports at pagsasama-sama ng mga local government unit (LGU) mula sa “highly urbanized cities” hanggang sa pinakamaliit na barangay sa bansa sa Crown Regency Hotel.

Nagkakaisang sinuportahan ng dumalong 206 na LGU officials mula sa 17 rehiyon sa bansa ang “Manifesto of Support” na agad nabuo matapos ilatag mismo nina PSC Chairman Richie Garcia kasama ang apat nitong Commissioner na sina Salvador Andrada, Wigberto Clavecilla, Jose Luis Gomez at Gillian Akiko Guevarra.

Tinalakay ni Garcia ang pagsasakatuparan sa National Sports Council na una nang isinabatas base sa Executive Order 64 na makapagbibigay karapatan sa mga LGU hanggang sa mga nasasakupan nitong mga barangay upang magsagawa at palakasin ang kani-kanilang programa sa sports.

Dinaluhan mismo ang aktibidad ni Pampanga Representative at House Committee on Sports vice-chairman Joseller “Yeng” Guaio, Cebu City Mayor Michael Rama, DILG Director Rene Burdeos at DepEd Atty. Gene Darryl Santok.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nagpartisipa din si dating PBA player at Valenzuela official Gerry Esplana, dating PBA coach at Pasay City sports administrator Cholo Martin at dating national athlete Cecilia Atilano mula sa Zamboanga City.

Mayroon namang 14 ang dumalo sa NCR, CAR at ARMM habang 40 ang walk-in para sa kabuuang 203 dumalo. Ang Region 1 (7), Region 2 (4), Region 3 (11), Region 4A at 4B (8), Region 5 (5), Region 6 (27), Region 7 (29), Region 8 (18), Region 9 (9), Region 10 (4), Region 11 (4), Region 12 (12) at Region 13 (11).

Isasagawa ngayong umaga ang role of the Department of Education (DepEd) sa Development of Sports in the Philippines na ipapaliwanag ni Atty. Gene Darryl Santok at ang papel ng Department of Interior and Local Government (DILG) in sa Development of Sports in the Philippines ni Director Rene Bordeos.

Sunod na punto ay ang pagpapaliwanag sa papel na ginagampanan Philippine Olympic Committee (POC) in the development of Sports in the Philippines ni POC First Vice-president Jose Romasanta. (Angie Oredo)