ANG Lumad ay isa sa mga grupong nagprotesta laban sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit na idinaos sa ating bansa. Ito ay binubuo ng mga katutubo sa katimugan na lumuwas sa Metro Manila sa pangunahing layuning ito.
Halos ikulong sila ng mga pulis sa isang lugar upang hindi sila makasanib sa mas malaking grupong ganito rin ang ginawa. Ganoon pa man, naipabatid ng Lumad ang kanilang hinaing na ayaw marinig ng ating gobyerno. Bakit nga naman sila diringgin, eh, ang kanilang reklamo ay hindi mapagbibigyan?
Maaga pa lang ay nais na ng pamahalaang Aquino na amyendahan ang economic provision ng Saligang Batas. Ang layunin ng pagbabago sa mga nasabing probisyon ay ibigay sa mga dayuhan ang karapatan na tanging mga Pilipino lang ang nagtatamasa nito, tulad ng paggamit ng ating likas na yaman. Kasama rito ang pagbungkal sa ating mga lupain upang halughugin at pakinabangan ang nasa ilalim ng lupa. Eh, ito ang ilan sa mga reklamo ng mga Lumad. Sa hangaring mapalayas sila sa kanilang tinitirahan, na mula sa kanilang kanunununuan ay naroroon na sila, para gawing minahan ay pinuno ito ng mga sundalo at pinapaslang ang kanilang mga leader.
Dalawa ang matingkad na tema ng APEC Summit: una, ang kalakalan, ikalawa, ang pagbabago ng klima. Nais ng mga bansang kasapi ng APEC na magkaroon ng malayang kalakalan sa pagitan ng bawat isa. Sa layuning ito, dapat alisin ng isang bansa o bawasan ang buwis o taripa sa mga produktong galing sa iba. Pangangalaga naman ng kalikasan ang lunas sa pagbabagu-bago ng klima na inilalagay sa bingit ng panganib ang mundo. Ang problema, tumatalima tayo sa naisin ng APEC na malayang kalakalan, hindi sa ikabubuti ng bayan. Iilan lang ang nakikinabang dito na nagiging sanhi naman ng pagkawasak ng ikabubuhay ng higit na nakararami nating mamamayan, tulad ng mga magsasaka. Nabubulok ang kanilang pinaghirapang ani, bigas man o gulay, dahil sa pagpasok sa ating bansa ng mga ganito ring produkto. Hindi naman natin pinangangalagaan ang kalikasan tulad sa napipintong nais gawin ng gobyerno sa ancestral land ng mga Lumad na maging minahan. (RIC VALMONTE)