Magkakaloob ang European Union (EU) ng karagdagang €300,000 para sa mga sinalanta ng bagyong ‘Lando’ sa bansa.

Ang nasabing pondo ay gagamitin sa pagtulong sa mga binagyo at direktang pakikinabangan ng libu-libong may maliliit na sakahin, mga nakikisaka lang at mga manggagawa sa mga taniman sa Nueva Ecija.

Ayon sa EU, ang mga benepisyaryo ay pagkakalooban ng cash transfers upang tulungan sa agaran nilang pangangailangan at pagkakalooban ng kabuhayan hanggang sa maaari na muling pakinabangan ang sakahan ng mga ito.

“With the destruction of many farms and agricultural land, these most vulnerable people have lost their only sources of livelihoods,” sabi ni EU Ambassador to the Philippines Dr. Franz Jessen.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

“This emergency assistance will not only enable them to meet their most urgent needs, but also help them in creating alternative sources of income through activities that can be set up quickly, so they can get back on their feet at the earliest,” aniya.

Ang ayuda ay ipatutupad ng CARE Netherlands, Action Against Hunger (ACF), at Save the Children.

Inaasahang makikinabang sa pondo mula sa EU ang nasa 11,500 indibiduwal sa mga bayan sa Nueva Ecija na pinakamatinding sinalanta ng Lando.

Matatandaan na nitong Oktubre, kasunod ng matinding pinsalang idinulot ng Lando, nagkaloob ang EU ng €200,000 na pinakinabangan ng may 2,500 pamilya. (Madel Sabater-Namit)