BAHAGI na lagi ng pagtulong sa mga kababayan ni Binangonan Mayor Boyet Ynares ang pagkakaroon ng mga medical at dental mission. Idinadaos ito sa Ynares Plaza tuwing ika-21 ng Nobyembre, ang kanyang kaarawan. Ang libreng gamutan ay handog ni Mayor Ynares sa kanyang mga kababayan bilang bahagi ng kanyang pasasalamat sa pagsapit ng kanyang kaarawan. Bagamat may inilulunsad siyang medical mission sa bawat barangay ng Binangonan, naiiba ang medical at dental mission tuwing Nobyemre 21, sapagkat marami ang nakikiisa at nakikipagtulungan. Dahil dito, maraming kababayan ni Mayor Ynares ang nakikinabang.
Ayon kay Dr. Lito de la Cuesta, municipal health officer ng Binangonan, sa ginawang medical at dental mission nitong Nobyembre 21 ay umabot sa mahigit 1,500 bata at matandang babae at lalaki ang nakinabang sa libreng gamutan. Ang mga recipient ay mula sa mga barangay sa kabayanan, tulad ng Barangays Lunsad, Batingan, Tayuman, Darangan, Calumpang, Pag-asa, Tagpos, Bilibiran at Pantok. May nakinabang din sa ilang barangay sa Talim Island. Nagtulung-tulong sa medical mission ang mga medical team ng Municipal Health Center ng Binangonan, ang medical team ng Rizal Provincial Health Office, medical team ng Binangonan Municipal Hospital at iba pang volunteer doctor sa Binangonan at mga karatig-bayan.
Sa dental mission, umaabot sa 150 ang nakinabang sa libreng bunot ng ngipin. Ang dental team ay pinangunahan ni Dr. Patrick Membrebe, ng Binangonan Municipal Hospital. May 50 katao naman ang nabigyan ng libreng ECG, na ang resulta ay binabasa ni Dr. Elvin Dimaculacion. Naging bahagi rin ng medical mission ang libreng eye check-up ng isang opthalmologist. Ito ay sa kagandahang-loob naman ng International Association of Lions’ Club District 301-D2, sa pangunguna ni District Governor Diosdado Dimcali. Nasa 60 ang nasuri ang mata, at may 400 ang nabigyan ng libreng antipara. Ito ay sa pakikipagtulungan ng Binangonan Sta. Ursula Lions’ Club.
Sa bahagi ng mensahe ng alkalde, matapat niyang ipinaabot ang kanyang pasasalamat sa lahat ng lumahok at nakipagtulungan sa medical at dental mission at mga volunteer doctor, gayundin ang mga taga-Mayor’s Office at iba pang tanggapan sa munisipyo ng Binangonan at mga opisyal ng barangay.
Ayon kay Mayor Ynares, napakalaking tulong sa kanyang mga kababayan ang pakikiisa ng iba’t ibang medical at dental team sa kanyang libreng gamutan. Pinsalamatan din niya ang nagmagandang-loob at mga nagbigay ng mga litsong baboy, na pananghalian ng mga nagpagamot at ng mga nakiiisa sa libreng gamutan.
Sa bahagi ng video presentation, nagpaabot ng pagbati kay Mayor Boyet Ynares sina Rizal Gov. Nini Ynares at dating Rizal Rep. Bibit Duavit, Binangonan Vice Mayor Rey de la Cuesta at ibang opisyal ng Binangonan at mga opisyal ng barangay at department heads. (CLEMEN BAUTISTA)