Maganda ang disposisyon ni Senator Francis “Chiz” Escudero nang humarap siya sa “Hot Seat” candidates’ forum sa tanggapan ng Manila Bulletin sa Intramuros, Maynila, kahapon ng umaga.

Mula sa mabibigat na isyu sa Bangsamoro Basic Law (BBL), taxation, at national budget ay napadpad ang talakayan sa disqualification case laban sa kanyang katambal sa May 2016 national elections na si Sen. Grace Poe.

Matalas at diretsahang sinagot ni Chiz ang katanungan ng mga MB editor tungkol sa laban ni Poe sa Commission on Elections (Comelec), na apat na disqualification case ang inihain upang pigilan ang pagsabak ng senadora sa pagkapangulo.

“Wala,” ang tugon ni Escudero nang tanungin kung may inihandang “Plan B” ang kanilang kampo sakaling hindi maging paborable ang desisyon ng Comelec sa kaso ni Poe.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Aniya, hindi rin uubra ang taktikang “substitution of candidate”, na gagamitin ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte matapos magbago ang isip nito kamakailan at ideklarang sasabak na rin siya sa presidential race.

Paliwanag ni Chiz, kapwa sila tumakbo ni Poe bilang independent candidate at hindi uubra ang pag-substitute ng kandidato sa kanilang kaso.

Tiwala naman si Chiz na mananalo si Poe laban sa kasong diskuwalipikasyon, gaya ng naging desisyon ng Senate Electoral Tribunal (SET) na bumoto ng 5-4 pabor sa kanyang matalik na kaibigan.

Samantala, aminado si Escudero na tutulong sa kanya ang kanyang maybahay, ang aktres na si Heart Evangelista Escudero.

Aniya, sasamahan si Heart ng kapwa nito showbiz personality at matalik na kaibigan na si Lovi Poe, sa pagdalo sa mga okasyon na hindi mapupuntahan ng senador.

Giit pa ni Chiz, nais niyang iwasan na makasabay si Heart sa pagdalo sa mga speaking engagement dahil mas ini-interview ng media ang aktres, sa halip na makinig sa kanyang mga plataporma. (ARIS R. ILAGAN)