Pinasasampahan ng kasong graft sa Sandiganbayan si dating Albay 3rd District Rep. Reno Lim, kasama ang lima pang opisyal, kaugnay ng pagkakasangkot sa P27-milyon pork barrel fund scam noong 2007.

Sa resolusyong inilabas ni Ombudsman Conchita Carpio Morales, may nasilip na probable cause sa graft complaint laban kay Lim at sa limang opisyal ng Technology Resource Center (TRC) na sina Antonio Ortiz, Dennis Cunanan, Maria Rosalinda Lacsamana, Marivic Jover, at Consuelo Lilian Espiritu.

Kabilang din sa pinakakasuhan sina Kaagapay Magpakailanman Foundation, Inc. (KMFI) representatives Carlos Soriano at France Mercado; at Carmelita Barredo, ng C.C. Barredo Publishing House.

Ang mga ito ay nahaharap sa apat na bilang ng paglabag sa Section 3(e) ng RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) at apat na bilang ng malversation.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sa record ng anti-graft agency, hiniling ni Lim sa gobyerno na ipalabas ang kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) na aabot sa P30 milyon, at pinili niyang implementing agency ang TRC kasama ang KMFI bilang katuwang na non-government organization (NGO) noong Agosto at Nobyembre 2007.

“The P30 million was intended for the procurement of 8,000 sets of livelihood instructional materials and technology kits. In 2008, a Memorandum of Agreement (MOA) was signed by Lim, TRC and KMFI representatives. In its implementation, Lim personally handpicked KMFI twice as project implementor without the benefit of public bidding,” anang Ombudsman.

Sinabi naman ng Commission on Audit (CoA) na batbat ng anomalya ang paggamit sa nasabing pork barrel fund.

(Rommel P. Tabbad)