SA paggunita kahapon sa nakakikilabot na Maguindanao massacre, lalong tumindi ang sigaw ng mga namatayan: Patay ang katarungan sa kasalukuyang administrasyon. Halos hindi umuusad ang paglilitis sa karumal-dumal na pagpaslang sa 58 biktima—kabilang ang 32 kapatid natin sa media na parang mga hayop na tinabunan sa isang malalim na hukay sa panig na iyon ng Mindanao, anim na taon na ang nakalilipas.

Dapat lang asahan ang nakadidismayang impresyon ng mga biktima ng masaker hinggil sa sinasabing kapabayaan sa pag-uusig at paghatol sa mga salarin; sa talamak na selective justice o mapamiling katarungan na nagiging dahilan kung bakit hindi man lamang nasasaling ng batas ang mga dapat managot sa mga krimen; sa umano’y limpak-limpak na salapi na bumubulag sa ilang awtoridad upang lalong madiin ang mga walang kasalanan; sa kamandag ng pulitika na umano’y kinakasangkapan upang mailuklok ang mga ganid at mapagsamantalang lingkod ng bayan.

Ganito rin ang impresyon ng mga naulila ng ating mga kasamahang mamamahayag na sunud-sunod na pinatay nitong nakalipas na mga araw. Wala pang mga positibong resulta ang pagtugis sa mga pinaghihinalaan. Kaugnay nito, hindi dapat ipagtaka kung bakit hanggang ngayon ay hindi tinutukoy ang pumaslang sa kapatid nating si Bubby Dacer—itinuturing na isa sa mga haligi ng peryodismo sa bansa.

Hindi ba maging ang mga biktima ng isa pang karumal-dumal na Mamasapano massacre ay binabagabag din ng matinding kawalan ng katarungan? Hanggang ngayon, ang karamihan sa kanila ay mistulang nakatunganga sa paghihintay ng hustisya para sa pinatay na SAF 44 ng Philippine National Police (PNP). Bagamat nasayaran na rin sila ng mga benepisyo mula sa gobyerno, higit nilang ninanais ang katarungan para sa kanilang mga mahal sa buhay.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Tiyak na magkahalong matinding pagkainip at pagngingitngit din ang nadarama ng mga naulila ng isa pa nating kapatid sa media—si Gerry Ortega, ang broadcaster/environmentalist na pinaslang sa Palawan. Matagal na silang naghahangad ng hustisya.

Habang naghihintay ng mailap na katarungan ang mga biktima, hindi kaya biling-baligtad sila sa kani-kanilang libingan? (CELO LAGMAY)