LEGAZPI CITY - Punumpuno ang mga hotel sa Albay kaugnay ng katatapos na 2015 Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders’ Summit sa Maynila, at sa pagdaraos ng Pacific Asia Travel Association (PATA) Conference sa Nobyembre 25-27 dito.
Kinilala kamakailan ng PATA ang Albay bilang “tourism destination of choice”, kaya naman dumadagsa rito ang mga turista.
Nakatulong din nang malaki ang masidhing suporta ng ABS-CBN TV reality show na Pinoy Big Brother (PBB) finals, na ginanap sa Albay nitong Nobyembre 7-8, na bumida ang mga kaakit-akit na tanawin sa probinsiya.
Punong abala ang lalawigan sa PATA Conference sa Nobyembre 25-27 sa Oriental Hotel dito para sa “New Tourism Frontiers Forum 2015”.
Isa ang Albay sa dalawang nagwagi ng $1-million CEO Challenge Award ng PATA, at personal na tinanggap ni Gov. Joey Salceda ang naturang parangal sa PATA Advocacy Dinner sa London.
Dahil na rin sa magkakatuwang na pagsusulong sa Albay bilang pangunahing dayuhin ng mga turista, ang dating 191 na kumpirmadong dadalo sa forum ay biglang lumobo sa mahigit 360.