MAGANDA sana ang ugaling Pinoy lalung-lalo na noong unang panahon. Noong panahon ng ating mga ninuno ay magagalang, mapagmahal, maayos tumanggap ng mga bisita at higit sa lahat ay marunong tumanggap ng pagkakamali at pagkatalo.
Kapag natalo halimbawa sa isang laro o debate ay buong puso itong tinatanggap na walang halong pag-iimbot. Pero ibang-iba na ngayon ang mga Pinoy, lalo na sa larangan ng pulitika.
Sa estado ng pulitika ngayon sa ating bansa ay walang kandidatong natatalo. Kapag natalo ay ipinagpipilitang sila ay nadaya.
Katulad na lamang ni Rizalito David, talunang kandidato noon sa pagkasenador. Pagkatapos ibasura ng Senate Electoral Tribunal (SET), sa botong 5-4, ang inihaing kasong diskuwalipikasyon kay Sen. Grace Poe ay nagngangakngak. Political decision umano ang ginawang pagboto ng mga senador. O, eh ano kung political decision? Eh, iyon talaga ang komposisyon ng SET. Iyon ang paniniwala ng mga huradong senador. Ano ang ipinuputok ng butse niya?
Ang totoo, ang kaso ay pampulitikal. Pulitiko ang naghain ng kaso at pulitiko rin ang kinasuhan. Kaya maiiwasan ba kung maging pulitikal man ang maging batayan ng desisyon? Mahirap bang intindihin iyon?
Ang dapat kay Mr. David ay asikasuhin na lamang niya ang kandidatura niya bilang pangulo. Pagkatapos ng desisyon ng SET, tumahimik na siya. Magpakilala na siya bilang kandidato sa panguluhan at ipagsigawan na niya ang kanyang plataporma, kung meron.
Nakapagtataka kasi na sa pagkasenador lamang ay halos nangulelat siya, tapos ngayon ay tatakbo pa siyang pangulo?
Pero tinatanggap iyan ng mamamayang Pilipino sapagkat iyan ay karapatan niya.
Maging itong si Duterte ay nakikisawsaw sa naging desisyon ng SET. “Ang mga senador daw ay pinupulitika ang kanilang desisyon.” Kailangan bang pakialaman niya pati ang desisyon ng mga kapwa niya pulitiko?
Ang kailangan niyang gawin ay magdesisyon na rin. TATAKBO O HINDI. Hindi yung TATAKBO ngayon, bukas ay HINDI. Walang puwang na maging pangulo ang isang pulitiko na pabagu-bago ang desisyon. Hindi puwede ang ATRAS-SULONG. Kung baga sa kusinero ay tinatakam-takam niya ang mga magsisikain.
Marami tuloy ang nagdududa na maaari nga siyang maging magaling na pinuno ng bansa dahil sa kanyang pabagu-bagong desisyon na ATRAS-SULONG! (ROD SALNDANAN)