ANG bawat araw na nagdaraan para sa mga dinukot sa Samal beach resort sa kamay ng Abu Sayyaf ay isang patunay ng kawalang kakayahan ng gobyerno ng Pilipinas na igiit ang awtoridad nito at mapanatili ang kaayusan sa lahat ng panig ng bansa.
At ang bawat insidente ng bagong operasyon ng grupong Islam, gaya ng pagpugot sa isang bihag na Malaysian, ay isang insulto hindi lang sa gobyerno kundi sa buong bansa.
Isang Malaysian na ilang buwan nang bihag makaraang dukutin sa estado ng Sabah sa Malaysia noong Mayo ang pinugutan ng Abu Sayyaf sa bisperas ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders Meeting sa Maynila, na nagresulta sa pinakamariing pahayag mula kay Malaysian Prime Minister Najib Razak.
Ang buong Malaysia, aniya, ay nasindak at nadismaya sa pagpatay sa kanilang kababayan kasunod ng bigong negosasyon sa ransom. Ang tanging nasabi ng tagapagsalita ng Philippine military ay ang pagkumpirma sa balita ng pamumugot. Walang opisyal na pahayag mula sa gobyerno ng Pilipinas bilang tugon sa panawagan ng Malaysian Prime Minister sa awtoridad ng Pilipinas na kumilos laban sa kawalan ng hustisya.
Ano na ngayon ang kasasapitan ng dalawang Canadian, isang Norwegian, at isang Pilipina na dinukot mula sa isang beach resort sa Island Garden City of Samal noong Agosto? Wala nang narinig tungkol sa mga ito simula noon. Samantala, tuluy-tuloy lang ang mga operasyon ng Abu Sayyaf nang hindi iniintindi ang mga pagsisikap ng gobyerno ng Pilipinas para mailigtas ang mga bihag. Ilang linggo na ang nakalipas nang ihayag ng Abu Sayyaf na pinalaya nito ang dalawang bihag na Malaysian matapos na magbayad ang mga pamilya ng mga ito ng P30-milyon ransom.
Ang huling balita tungkol sa mga Samal kidnap victim ay ang paghingi ng Abu Sayyaf ng P3 bilyon para sa pagpapalaya sa tatlong dayuhan. Mistulang nagpapaalala sa awtoridad at sa mga kaanak ng mga biktima sa kung ano ang kaya nilang gawin, naglabas ang grupo ng video sa Internet na nagpapakita sa mga bihag habang napalilibutan ng mga lalaking armado at nakamaskara, gaya ng mga video na isinasapubliko ng Islamic State bago nila pugutan ang kanilang mga biktima sa Middle East.
Tatlong buwan na ang nakalipas mula nang dukutin ang apat na bihag sa Samal at napaulat na kasama nila ang dalawa pang dayuhan—isang Dutchman at isang Filipino-Chinese—sa kagubatan ng Indanan, Sulu, at binabantayan ng nasa 115 armadong lalaki. Batid ng militar ang lugar na kinaroroonan ng mga bihag. Sa susunod na makarinig tayo ng balita tungkol sa mga Samal victim, ito ay maaaring nabayaran na ng kanilang mga pamilya ang ransom, o napugutan na rin sila gaya ng Malaysian.
Maghihintay na lang ba tayo ng balita?