Naitala Linggo ng umaga ang pinakamaraming bilang na nagpartisipa at nakilahok sa iba’t-ibang sports na libreng itinuturo sa inoorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) Laro’t-Saya sa Parke, PLAY ‘N LEARN na umabot sa 1,240 katao sa malawak na lugar ng Burnham Green sa Luneta Park.
Ito ang pinakaunang pagkakataon na nagkasalu-salo ang mga kabataan at mga miyembro ng pamilya sa aktibidad na inindorso mismo ng Palasyo ng Malakanyang na walang isinagawang espesyal na aktibidad maliban sa regular na pagtuturo ng iba’t-ibang disiplina sa sports.
Nailista ang sumali sa arnis (13), badminton (97), chess (76), football (69), karatedo (21), lawn tennis (16), volleyball (87), zumba (854) at senior citizens (7) para sa pinaka-rekord attendance na 1,240 katao.
Una ng umabot sa kabuuang 1,117 katao ang sumali sa Laro’t-Saya sa Parke noong nakaraang taon kung saan ay isinagawa ang pinaka-unang edisyon ng zumbathon.
Samantala sa Laro’t-Saya sa Kawit, Cavite ay may 141 nagpartisipa sa zumba, 17 sa taekwondo, 40 sa badminton at 37 sa volleyball.
Nakisaya naman sa Laro’t-Saya sa Quezon City ang 50 sa badminton, 52 sa chess, 26 sa football, 18 sa karatedo, 23 sa senior citizen, 17 sa volleyball at 460 sa zumba para sa 676 kataong nagpartisipa. - Angie Oredo