IDINEKLARA ng Proclamation No. 76 noong 1992 ang Nobyembre 23-29 ng bawat taon bilang “Population and Development Week” upang bigyang-diin ang pangangailangan para sa isang masigla at maigting na kampanya, sa pag-uugnay sa mga programa sa pagsisikap ng bansa na umunlad, para makaagapay sa pagdami ng populasyon ng bansa.
Nag-oorganisa ang Department of Health-Commission on Population (PopCom) ng mga aktibidad—blood blood donations, mga medical at dental missions, prenatal care, pagpapayo tungkol sa family planning, HIV screening, at prostate checkup—upang isulong ang kamulatan sa mga epekto ng pangangasiwa sa populasyon sa pagpapabuti sa kalidad ng buhay ng bawat Pilipino.
Ang Rafael M. Salas Population and Development Award ay ipagkakaloob sa mga indibiduwal at mga local government unit (LGUs) na kapuri-puri ang mga pagsisikap sa pangangasiwa sa populasyon. Itinatag ni Salas ang United Nations Population Fund (UNFPA) na kanyang pinamunuan bilang unang executive director noong 1969-1987. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, lumago ang UNFPA mula sa pagiging isang maliit na trust fund na ngayon ay pinakamalaking multilateral provider ng population aid sa mundo.
Ang okasyon ngayong linggo ay bahagi ng ilalabas sa Enero 2016 na huling official census (PopCen 2015), na isinagawa sa buong bansa noong Agosto 10-Setyembre 6. Magkakaloob ito ng pinakabagong impormasyon at datos tungkol sa sukat ng populasyon, na maaaring pagbatayan ng mga government planner, policymakers, at administrators sa mga susunod na social at economic development plan at mga programa.
Ang PopCen 2015 ang ika-14 na opisyal na census simula 1903 sa panahon ng pananakop ng Amerika, na nagtala ng 7.6-milyong populasyon. Sa ika-13 census noong 2010, ipinakitang ang opisyal na bilang ng populasyon ay nasa 92.34 na milyon, ang ika-12 may pinakamalaking populasyon sa mundo, na kumakatawan sa 1.38% ng pandaigdigang populasyon. Sa Southeast Asia, ang Pilipinas ang ikalawang bansang may pinakamalaking populasyon, kasunod ng Indonesia.
Determinado ang gobyerno na labanan ang kahirapan at tiniyak na ang pag-unlad ng ekonomiya ay mararamdaman ng mahihirap, at sa kabila ng paglobo ng populasyon (tinaya sa 104,583,375 nitong Oktubre 27, 2015), ay nagsisikap na matulungan ang pinakamahihirap sa bansa.
Inorganisa ng PopCom ang Regional Population Congress noong Setyembre upang patatagin ang programa sa populasyon at pag-unlad sa mga LGU, at itaguyod ang pagtutulungan ng mga population worker at volunteer. Mahigit 500 nakibahagi mula sa rehiyon ang lumagda sa Manifesto of Support to the Creation of Population and Development Office sa bawat LGU.
Ang 2011-2016 Philippine Population Management Program at ang mga bahagi nito—ang pagsasama ng population development integration, responsableng pag-aanak, at pagpapabuti sa kalusugan ng kabataan—ay nakatutulong upang mapabuti ang buhay ng mga Pilipino sa pamamagitan ng responsible parenting, mas mainam na kalusugan at edukasyon, pag-aakma ng populasyon sa gagastusing kita ng bansa, pagbabawas sa hindi magkakapantay na mga oportunidad, at pagtalima sa universal health care.
Binibigyang-kapangyarihan ng Republic Act 10354, ang 2012 Responsible Parenthood and Reproductive Health Act, ang mga mag-asawa, partikular na ang kababaihan, na magkaroon ng “informed choices about their reproductive health.” Ang mga mag-asawa ay binibigyan ng access sa mga serbisyo at impormasyon tungkol sa pagpaplano ng pamilya, upang matukoy ang kanilang kakayahan sa pagbuo ng pamilya.