KABI-KABILA na naman ang sunog sa Metro Manila at iba pang panig ng bansa. Ang ilan sa mga matatanda ay nagsasabing mabuti na ang manakawan ng ilang beses, huwag lang masunugan. Kapag nasunugan, madalas na lahat ng ari-arian ay natutupok at kapag minalas pa, baka pati buhay ng mga mahal sa buhay ay madamay.

Nagkasunog kamakailan sa unang distrito ng Tondo at ang isa naman ay sa ika-5 distrito ng Maynila. Tulad ng inaasahan, kaagad umaksiyon ang batang-Tondo, si Manila Rep. Benjamin "Atong" Asilo. Agad niyang pinuntahan ang mga lugar ng nasunugan at nagkaloob ng personal na tulong sa mga biktima.

Si Asilo, tumatakbong vice mayor sa Maynila at katambal si ex-Manila Mayor Alfredo Lim, ay nakiramay at nag-abot ng tulong sa 32 pamilya na nawalan ng tirahan sa Balut, Tondo at 132 pamilya naman sa Moriones (Brgy. 123) sa Maynila. Sana ay ganito rin ang ugali ng lahat ng kinatawan ng bayan lalo na sa panahon ng sunog, lindol, baha at iba pang uri ng kalamidad.

Samantala, inaasahang malilibre sa irrigation fees ang mga magsasaka na biktima ng bagyong ‘Lando’ na nanalasa sa bansa. Magiging mabait at maunawain ang gobyerno sa mga magsasakang biktima ng bagyo na sumira sa kanilang ari-arian at pananim.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Hindi na sila magbabayad ng irrigation fees. Maging ang mga bukirin sa aking bayan sa San Miguel, Bulacan ay tinamaan din ng bagyo na nagdulot ng baha na lumunod sa mga itinanim na mga palay na malapit na sanang anihin.

Hindi pa ganap na nakababangon ang ilan sa ating mga kababayan sa bagsik ng super-typhoon ‘Yolanda’, biglaan din ang pagdating ng bagyong Lando. May 110,000 magsasaka ang humihingi ngayon ng tulong sa gobyerno. PNoy, tulungan mo naman ang mga magbubukid at magsasaka!

Hiniling ni Partylist Rep. Agapito H. Guanlao sa National Irrigation Administration (NIA), na ma-exempt ang mga magsasaka na biktima ng bagyong Lando sa singil sa irigasyon hanggang sa tuluyang makabangon sa pinsala. Binanggit niya ang ulat na ang bagyo pala ay nagwasak ng imprastruktura at agrikultura na nagkakahalaga ng P11bilyon. Habang umabot naman sa 47 ang namatay at 82 naman ang sugatan at apat pa ang kasalukuyang nawawala.

Samantala, kinalabit ako ng kaibigan kong senior-jogger at tinanong kung ano ang nasa isip ni Kris Aquino nang i-post niya sa social media na "quits" lang umano sila ng libu-libong tao na naistorbo sa bigat ng trapiko noong APEC 2015 dahil sa pagkakaroon ng sunburn. Nabilad si Kris nang ipasyal niya ang siyam na asawa ng mga lider ng APEC sa Intramuros, Manila. Ms. Aquino, iba ang sakripisyo at penitensiya na dinanas ng mga Pinoy na hindi kumita ng ilang araw dahil hindi nakapasok sa trabaho, partikular na ang mga daily wage earner kumpara sa pagkasunog ng inyong balat! (BERT DE GUZMAN)