NGAYON ay ika-23 ng Nobyembre, isang pula, natatangi at mahalagang araw sa mga taga-Angono, Rizal sapagkat magkasabay na nilang ipinagdiriwang ang kapistahan ni San Clemente at ng Angono. Ang tema ng pagdiriwang ng ngayong taon ay: "Bayang naglalayag, nagpupuri at nagpapasalamat sa awa at grasya ng Poong Maykapal". Magdaraos ng isang concelebrated mass sa simbahan ng Saint Clement Parish na pangungunahan ni Most Reverend Bishop Francisco M. De Leon D.D., Auxiliary Bishop ng Dioceses ng Antipolo.

Matapos ang concelebrated mass ay ang prusisyon patungo sa Laguna de Bay upang gawin ang Pagoda o Fluvial procession sa Laguna de Bay na isa sa mga nasasakupan ng Angono. Kasama sa prusisyon ang mga batang babae na kung tawagin ay "parehadora". Makulay ang kanilang damit, may nakapatong na maliit na sagwan sa kanang balikat at nakabakya na pinangungunahan ng mga majorette. Sila ang kinatawan ng bawat barangay.

Meron ding banda na tumutugtog sa kanila sa prusisyon. Kasama rin sa prusisyon ang imahen nina San Clemente, San Isidro at ng Mahal na Birhen. Ang Pagoda ay ang pinakamaganda, pinakamakulay at pinakamasayang bahagi ng kapistahan ni San Clemente sa Angono. Ito ay bahagi ng paggunita sa isang yugto ng buhay ni San Clemente nang ipatapon siya ng paganong si Emperador Trajano sa dagat ng Crimea.

Ang Pagoda ay parang isang malaking altar na nakapatong sa pinagtabi-tabing anim na malalaking bangkang pukot. Nagagayakan ng mga bandera, sanga at dahon ng Kamuning at mga bulaklak na papel. Sa itaas ng Pagoda ay naroon ang isang malaking bandila na nakalarawan ang angkla at tiara ni San Clemente na simbolo ng Papa sa Roma. Ang mga humihila sa Pagoda ay nakahuhuli ng mga isda tulad ng kanduli, dalag, tilapia, karpa, bangus bighead at iba pa sa Laguna de Bay. Tinutuhog at isinasabit sa andas ni San Clemente. May paniniwala ang mga taga-Angono na kapag maraming nahuling isda sa paghila ng Pagoda, sagana sa isda ang Laguna de Bay sa susunod na taon.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Matapos nito ay susundan naman ng masaya at makulay na parada-pru-sisyon paahon sa bayan. Kasama ang lahat ng lumahok sa Pagoda, ang mga kabataang babae at lalaki, kasama ang Parehadora ng iba't ibang barangay at musiko. Sa parada, bilang bahagi ng katuwaan ay may nagsasaboy ng tubig sa mga kakilala at kaibigan. Ang masayang parada ay ang pinakasukdulan ng Pista ni San Clemente. Natatapos ito sa harap at patyo ng simbahan. Dito, bilang pangwakas bago ipasok sa simbahan ang imahen ni San Clemente ay ang pagsasayaw ng mga sumama sa Pagoda sa saliw ng masayang tugtog ng banda.

Sa mga taga-Angono, kahit nakaranas sila ng pagod at gastos, hindi nawawala at lalong tumitibay ang kanilang pagkakaisa sa pagsasabuhay at pagpapahalaga sa namanang tradisyon at kaugalian. Sa pagdiriwang ng pista ni San Clemente, ang diwa ay laging nakaugnay sa Diyos, sa tradisyon, kultura at kasaysayan. (CLEMEN BAUTISTA)