Mahigit 3,000 kabataan mula sa Luzon, Visayas at Mindanao ang dumagsa sa pagtitipon ng “Yo MarLeni!” o Youth for Mar Leni sa KIA Theater sa Cubao, Quezon City, nitong Sabado.
Ang Youth for Mar and Leni ay isang koalisyon ng mga grupong binubuo ng kabataang sumusuporta sa good governance at Daang Matuwid na sinimulan ni Pangulong Aquino.
Sina Mar Roxas at Leni Robredo ang mga pambato ni Aquino sa darating na halalan para sa pagkapangulo at pangalawang pangulo.
Maliban sa tagisan ng talento sa pagsasayaw at pagkanta, nagsalita sa entablado ang leader ng mga grupong kabataan.
Tinalakay ng mga ito ang mga isyu sa edukasyon, trabaho, kapakanan ng mga OFW at ang estado ng Internet sa bansa.
“This is the president we need—‘yung lumalaban para mabigyan ng patas na pagtrato ang kabataan,” ayon kay Gio Tiongson, isa sa mga organizer.
Maliban sa mga leader ng organisasyon, nagpakita rin ng video message ang popular na love team na KathNiel nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.
Tinalakay ng dalawa kung bakit si Mar ang kanilang napupusuan sa 2016 elections. Iginiit ng KathNiel ang pangangailangan ng bansa sa isang marangal at matinong pangulo ng bansa upang maipagpatuloy ang pag-unlad ng bansa.
Sa huli ay nagsalita si Roxas at inilatag sa kabataang nagtitilian sa kanyang pagdating ang plataporma nila ni Robredo. “Hindi ito tungkol sa akin. Hindi ito tungkol kay Leni. Tungkol ito sa kinabukasan ng bawat isa sa inyo,” sabi ni Roxas. (Beth Camia)