Hindi nabulabog ang kampo ni Senator Grace Poe-Llamanzares sa pagsabak ni Davao City Mayor Rodrigo “Digong” Duterte sa presidential elections sa 2016.

Ito ay matapos na magdesisyon ang 70-anyos na alkalde kamakalawa ng gabi, na handa na rin siyang makipagsabayan sa pagkapangulo dahil hindi niya matatanggap na ang mahalal sa Malacañang ay isang “American citizen.”

Sinabi ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian, tagapagsalita ng Team Galing at Puso na nagsusulong sa kandidatura ng tambalan nina Poe at Sen. Francis “Chiz” Escudero, na bagamat dismayado sila sa pahayag ni Duterte laban kay Poe, tinatanggap naman ng kanilang kampo ang pagsabak ng alkalde sa presidential derby.

“Though we are saddened and do not agree with the position of Mayor Duterte on Sen. Poe’s citizenship and the status of foundlings, his decision to seek the presidency will make our democracy stronger and more vibrant,” pahayag ni Gatchalian.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“The more choices the people have the better. Clearly his entry to the presidential race will raise the discourse on issues this coming elections,” dagdag niya.

Iginiit naman ni Escudero na dapat respetuhin ni Duterte ang desisyon ng Senate Electoral Tribunal (SET) sa pagbasura sa petisyon na kumukuwestiyon sa citizenship status ni Poe.

Binigyang diin ni Escudero na ang naturang desisyon ng SET ay hindi lamang pumapabor kay Poe kundi maging sa iba pang foundling o napulot na sanggol sa bansa.

“As the saying goes, those who have less in life should have more in law,” paliwanag ni Chiz.

Bukod dito, sinabi rin ni Escudero na wala pa ring nakapagpapatunay na si Poe—na inampon ng yumaong aktor na si Fernando Poe Jr. at ng premyadong aktres na si Susan Roces—ay may dugong banyaga kahit pa naging negatibo ang DNA test na isinagawa sa mga unang pinaniniwalaang kaanak ng senadora. (Hannah L. Torregoza)