Dyosa Pockoh
Dyosa Pockoh

Ni REGGEE BONOAN

MATAGAL na naming nakikita ang mga video sa social media ni Dyosa Pockoh pero dinededma namin, kasi pakiwari namin ay wala lang magawa ang baklitang taga-Lemery, Batangas.

Inisip namin na nagpapapansin lang si Dyosa lalo na sa video niyang gandang-ganda siya sa sarili na talagang nakakairita.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

Pero ito pala ang magdadala kay Dyosa sa limelight. Imagine, napansin siya ng aming katoto cum talent manager na si Ogie Diaz.

Unang ipinakilala sa amin ni Katotong Ogie si Dyosa sa McDonald’s sa tapat ng ABS-CBN pagkatapos naming dumalo sa presscon ni Liza Soberano.

Sa simpleng kuwentuhan, nabanggit ni Dyosa na may day job siya. Designer siya ng mga damit (akalain mo) na hindi naman daw kalakihan ang kanyang kita.

Sa mga libreng oras siya gumagawa ng mga video na ina-upload niya sa social media. Hindi niya alam na magiging viral pala ang mga ito kaya sinunud-sunod na niya at dumami na ang fans niya.

“Tinawagan ako ni Tito Ogie, kung gusto ko raw mag-artista kasi naaaliw daw siya sa mga video ko. Noong una, akala ko nga poser! Until nag-extra ako sa Home Sweetie Home at nag-message ako sa kanya,” kuwento ni Dyosa.

Nagulat na lang kami sa presscon ng Wang Fam dahil kasama si Dyosa sa cast. Ayon kay Direk Wenn Deramas, gusto niyang bigyan ng break ang isang katulad ni Dyosa na kumakatok sa showbiz.

Kaya sa pocket presscon ng mga alaga ng Katotong Ogie na sina Ysabel Ortega, Anjo Damiles at Dyosa ay nabanggit ng huli na si Direk Wenn nga raw ang dahilan kaya siya napasama sa Wang Fam.

“After ni Tito Ogie, si Direk Wenn naman, ‘Hoy Dyosa, gusto mo ba mag-artista? Kasi naaliw ako sa mga video mo.’ Ganoon ang sabi niya sa akin sa FB at ang sagot ko sa kanya, ‘Talaga po? Sure po ba, kayo po iyan?

“Kasi ‘di ko ma-imagine na si Direk Wenn talaga ‘yun. ‘Tapos ay ibinigay niya ang number niya, ‘O, tawagan mo ako ngayon.’ Kinabukasan, pinapunta niya na ako sa shooting ng Wang Fam. Nagulat ako siyempre, first movie, eh. ‘Tsaka nakakaloka dahil si Tito Ogie ‘tsaka si Direk Wenn, wini-wish ko lang ‘yun dati.

“Sabi ko kung papasukin ko ang showbiz, gusto ko i-handle ako ni Tito Ogie, ‘ta’s mahilig ako manood ng mga movie ni Direk Wenn kasi mahilig ako sa mga comedy film. So sabi ko, sana minsan maidirek naman ako ni Direk Wenn, parang ilusyon lang. Hindi ko akalain na matutupad pala iyong dalawang wish ko,” masayang kuwento ni Dyosa.

“Nag-thank you ako sa kanya (Direk Wenn) dahil ginawa niya akong extra sa pelikula. Sabi niya sa akin, ‘Gaga! Hindi ka extra dito! I-introduce kita, ‘pakikilala kita, pasisikatin kita! Sabi ko, ‘Ha? Direk hindi ako extra rito?’ Sabi niya sa akin ulit, ‘Hindi ka extra rito, introducing ka, maganda ‘yung role na ibibigay ko sa iyo.’ Kaya sobrang blessings talaga, thank you, Lord dahil ginamit niya si Direk Wenn at si Tito Ogie para sa pangarap ko.”

Natatawang kuwento pa ni Dyosa, noon ay may mga nag-iimbita na raw sa kanya sa show sa Batangas at kapag tinatanong daw siya kung magkano ang talent fee, ang palagi niyang sagot, ‘kayo na po ang bahala’ na akala ay okay na maski magkano.

Tatlong daang piso ang pinakamataas niyang TF sa probinsiya. “Diyos ko, kulang na kulang sa pamasahe at make-up ko, gusto ko nga tanungin, baka nagkamali lang ng abot kasi magkakulay ang isang daan at isang libo ngayon, baka akala tatlong libo ang inabot, eh, tatlong daan lang pala.”

Ngayong may manager na si Dyosa Pockoh ay tumaas na ang talent fee niya kaya nakakapag-abot na siya sa nanay niya ng 20,000 para pambili ng mga kailangan sa bahay nila.

Matulungin sa pamilya si Dyosa Pockoh, kaya malapit ang grasya sa kanya at maging hindi niya kaanak ay nagbibigay siya.

“Dahil nakita nila (netizens) sa video ko na naka-two-piece ako, ang daming nagbibigay na ngayon kaya kailangan lahat isuot ko at kunan ko sarili kong naka-two-piece para malaman nilang na-appreciate ko naman ang bigay nila. Kaya maski na bibili lang ako sa tindahan, kailangan naka-two piece ako.”

Hindi ba siya binabastos sa probinsiya, e, mga konserbatibo ang mga tao roon.

“Hindi, sanay na sanay na sila sa akin na ganu’n ako magsuot. Balewala na sa kanila,” sagot ni Dyosa.

Aktibo sa simbahan si Dyosa, pero hindi raw siya nakakatikim ng panlalait sa mga pinaggagawa niya. “Hindi naman, sanay na sila at saka ang importante naman ay kung ano ang nasa puso ko.”

Ramdam namin sa panayam namin kay Dyosa na honest siya at hindi pa showbiz. Sabi namin, sana hindi siya magbago kahit sumikat siya. “Oo naman,” mabilis niyang sagot. Malayo pa ang mararating ni Dyosa Pockoh.