NANGHINAYANG kami sa Flying High, 15th anniversary concert ni Kyla nitong nakaraang Biyernes sa Kia Theater Araneta Cubao, Quezon City dahil palpak ang sound system.
Maganda ang opening ni Kyla, pero dahil malayo at maliit ang mga speaker na ginamit ay sabog ang tunog nito sa gitna na napuwestuhan namin ng mga katoto.
Pero medyo malinaw naman ang sound sa may dulo na may tatlong maliliit na speakers at doon nakapuwesto ang booth ng sound engineer at director ng show.
Nakailang kanta na si Kyla nang maayos ng sound engineer ang tamang timpla ng audio at lakas ng mikropono ng RnB Queen kaya umokey na ang pakikinig namin at na-appreciate namin ang mga awitin.
Pero na-distract naman kami sa mga ilaw sa stage na parang wala sa tiyempo kapag bigla na lang lumalakas at bigla ring hihina at sasabayan pa ng spotlight, kaya ang ending ay madalas na hindi na namin makita ang performer. Masakit sa mata ang mga ginamit na ilaw na kulay dilaw, pula, blue, violet, at green.
Wala namang saysay ang tatlong chandeliers sa entablado na sobrang taas ng pagkakalagay, sayang kahit okay naman sana ang concept.
Totoo ang kuwento sa amin ng taga-Cornerstone Talent Management na magaganda ang line-up ng songs ni Kyla, in fairness. Ang hindi lang talaga maganda ay ‘yung production na humawak ng show, nagmukhang pistahan sa isang liblib na barangay.
Panalo ang lahat ng duet ni Kyla sa guests niyang sina KZ Tandingan, Jay R, Darren Espanto at Erik Santos, at lahat sila kinulut-kulot ang mga kanta. Biro nga namin sa mga katabi namin, “gabi ng mga kulot”. E, kasi nga naman, RnB.
Mukhang pagod na si Kyla nang kantahin niya ang On The Wings of Love na soundtrack ng teleserye nina James Reid at Nadine Samonte dahil medyo kinapos na siya sa mataas na parte at hindi na rin namin naintindihan ang lyrics dahil na rin sa palpak na sound system.
Sana hindi na lang ibinirit at kinulot ni Kyla ang nasabing kanta, baka mas na-appreciate pa ng audience. Pero baka naman nagustuhan ng iba ang pagkakakanta ng RnB Queen.
Gusto rin naming tawagan ng pansin ang nagma-manage ng Kia Theater, sana mala-Dolby Sound na at magdagdag sila ng speakers sa gitna since concert venue na ito.
‘Yun lang! (Reggee Bonoan)