Bunsod ng pagsabog ng kontrobersiya sa “tanim bala” extortion scheme, lumagda ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa isang petisyon na ipinaskil sa global online reform website Change.org na nananawagan sa pagsibak kay Jose Angel Honrado bilang general manager ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Lumagda si Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP-Permanent Committee on Public Affairs (PCPA) sa online petition laban kay Honrado dahil sa umano’y “incompetence” nito sa pangangasiwa sa NAIA.
“People that are incompetent need to be replaced. There are many reasons why the NAIA has been judged as the world’s worst airport. Now, isn’t that enough proof of incompetence?” tanong ng obispo.
Ang online petition na ipinaskil sa Change.org ay may titulong: “Remove Jose Angel Honrado from MIAA and put an end to the ‘laglag/tanim bala’ syndicate in all Philippine airports.”
Mabilis na lumobo ang bilang ng lumagda sa online petition habang lalong umiinit ang kontrobersiya sa “tanim bala” extortion scheme sa mga paliparan sa bansa, na ang karamihan ay mga papaalis na overseas Filipino worker (OFW).
Pinangunahan ng Migrante International, nakasaad sa online petition na pumalpak si Honrado sa isyu ng “tanim bala.”
Bukod dito, sinisi rin ng Migrante si Honrado sa umano’y pagbaba ng kalidad ng serbisyo sa NAIA, tulad ng pagsisiksikan ng mga eroplano sa runway, laganap na pambuburiki sa mga bagahe, at kakulangan sa mga surveillance equipment.
“All of which have contributed to NAIA gaining notoriety as the world’s worst airport for three consecutive years,” ayon sa petisyon.
Hanggang kahapon, umabot na sa 11,870 ang lumagda sa nabanggit na Change.org petition laban kay Honrado. (Leslie Ann G. Aquino)