Timofey Mozgov, Greg Monroe

Nagtala ng magkahiwalay na panalo ang Cleveland Cavaliers at ang Miami Heat upang pagningasin ang kani-kanilang kampanya sa National Basketball Association (NBA).

Ginulantang ng Cavaliers ang tila rematch ng Eastern Conference finals kontra Atlanta Hawks habang umahon ang Heat sa huling minuto upang biguin ang Philadelphia 76ers.

Umiskor si Kevin Love ng season-high 25-puntos habang nagdagdag si LeBron James ng 19 upang itulak ang Cavs sa 109-97 pagwawagi sa Hawks. Ito ang unang paghaharap ng dalawang koponan matapos na walisin ng Cavaliers ang Hawks sa playoffs.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Halos buong laro naman na namayani ang Philadelphia sa laban bago na lamang ginulantang ng Miami na nagawang itakas ang 96-91 na panalo.

Itinala pa ng 76ers ang kanilang pinakamalaking kalamangan sa season sa isang yugto at nakaabante pa ng 11-puntos sa kalahatian ng ikaapat na yugto bago na lamang nananatiling koponan na walang panalo sa liga.

‘’A very, very cruel loss,’’ sabi lamang ni 76ers coach Brett Brown.

Umiskor si Dwyane Wade ng 27-puntos habang si Justise Winslow ay nagawang isagawa ang krusyal na tip-in sa huling 27 segundo upang puwersahin ng Miami ang 76ers na walang field goal sa kritikal na 7-minuto na yugto ng ikaapat na quarter tungo sa panalo.

Ang 76ers ay nahulog sa 0-14 ngayong taon na may losing streak na 24 laro.

‘’We were in a position to get our first win and we just couldn’t get into anything at the end of the game,’’ sabi pa ni Brown. (Angie Oredo)