Sinibak ng Office of the Ombudsman sa serbisyo ang isang barangay chairman at dalawa pang opisyal ng barangay sa Cagayan de Oro City dahil sa kasong katiwalian.
Ayon kay Ombudsman Conchita Carpio Morales, nakitaan ng probable cause ang reklamo laban kina Ernesto Edrote, chairman ng Barangay Macasandig; Ma. Fe Campanilla, barangay treasurer; at Rey Ranes Balandara, barangay executive secretary.
Kinansela na rin ng Ombudsman ang civil service eligibility ng mga ito, pinagbawalan din silang humawak ng anumang posisyon sa gobyerno at wala na rin silang makukuhang benepisyo.
Ang dismissal order ay nag-ugat sa isinampang reklamo ni dating Bgy. Macasandig Chairman Aaron Neri, na inakusahan ang tatlo sa paggamit ng pondo ng barangay sa pagbili ng construction materials kay Balandara. - Rommel P. Tabbad