NOONG Setyembre, ayon sa Banko Sentral ng Pilipinas (BSP), umakyat ng 4.3% ang remittances ng mga overseas Filipino worker (OFW), nasa US$2.201 billion ang ipinasok ng mga OFW sa kaban ng bayan. Inaasahan pa ng BSP na ang remittances ay aabot sa $25.6 billion sa katapusan ng taon. Tumaas ito ng limang porsiyento kumpara noong nakaraang taon. Sa mga OFW galing ang pinakamalaking dolyar ng bansa na nakatulong sa ating ekonomiya habang hindi maganda ang lagay ng ekonomiya sa pandaigdigan.
Pero napakabigat ang puhunan ng mga OFW sa malaking tulong na naibibigay nila sa ating bansa. Iniiwan nila ang kanilang pamilya sa pangingibang-bansa nila dahil sa kakapusan ng oportunidad sa ating bansa para sila mabuhay nang matino. Kahit sa bansang tinunguhan nila ay may digmaan at nanganganib ang kanilang buhay, pinipili pa nilang manatili rito. Nagiging biktima sila ng karahasan. Sinasamantala ang kanilang pagkakabae. Umuuwi sila sa ating bansa na luhaan, wala sa sarili at wasak ang diwa dahil sa dinanas nilang kalupitan. Sa pag-uwi naman nila ay wala na silang inaabutang buo at nagmamahal na pamilya. Anupa’t pawis, luha at dugo ang puhunan ng mga OFW sa pagkita nila ng dolyar na pumapasak sa kaban ng bayan.
Akma lang na tagurian silang bagong bayani ng bayan dahil sa ginagawa nilang sakripisyo para sa bayan. Pero ganito ba natin sila tinatrato? Hindi na nga natin sila iginagalang, pinagmamalupitan pa tulad ng kalupitang nararanasan nila sa banyagang bansa. Sila ang pinipili ng mga kapwa nila na gipitin sa paliparan. Tinataniman ng bala dahil sa sila ay madaling bumigay sa pangingikil sa pagmamadali nilang makabalik sa kanilang pinaglilingkuran sa ibang bansa.
Ang salaping nakukuha ng pamahalaan sa kanilang pagtatrabaho sa ibayong dagat ay hindi naikakalat para pakinabangan ng lahat. Ang pinamuhunanan nila ng kanilang dugo at buhay ay kung saan-saan lang napupunta at kung sinu-sino lang ang nakikinabang. Ang mga nasa gobyerno na napakaingay sa pagtawag sa mga OFW na bayani ng henerasyon ay sila pa ang nangunguna sa pagtamasa sa kanilang pinaghihirapan. Inilalaan sa kani-kanilang sarili bilang DAP at PDAF. Nilulustay nang walang pakundangan.