Ipinag-utos ng Office of the Ombudsman sa Philippine National Police (PNP) ang pagsibak sa serbisyo sa dalawang police official na sangkot umano sa Jamaca-Yabut murder case sa Cagayan de Oro City.

Ikinatuwa naman ni dating Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Regional Director Senior Supt. Alexander Tagum ang kautusan ng Ombudsman na sibakin sa puwesto ang dalawa sa apat na pulis iniuugnay sa naturang murder case.

Ang kautusan ay ipinag-utos ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales matapos katigan ang kasong administratibo laban kina Senior Insp. Ludweg Charles Espera, at Insp. Arnel Gighe.

Ayon kay Tagum, ang pagtanggal sa serbisyo sa dalawang akusado ay patunay lang na hindi gawa-gawa ang inihaing kaso sa Ombudsman.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Ang pagkakasibak sa dalawang akusado ay nag-ugat sa umano’y standoff sa himpilan ng Cogon Police, nang tinutukan ng baril si Tagum at kasamahan nito.

Inalmahan ni Tagum ang pag-aresto ng mga operatiba ng Cogon Police sa kanyang mga tauhan na nagbantay sa isang safe house, na roon naka-deposito ang ilang ebidensiya sa kaso ng pinaslang na magkapatid na sina Harold at Roland Jamaca, kasama ang isang Maria Erica Yabut.

Sina Gighe at Espera, kasama ang detinidong sina PO2 Manuel Quipanes at PO1 Jun Riel Barrientos, ay nahaharap din sa multiple murder at frustrated murder sa magkaibang lower courts sa Cagayan de Oro City.

Ang magkapatid na Jamaca at Yabut ay halos magkasabay na pinaslang sa magkahiwalay na lugar sa nasabing lungsod noong Disyembre 10, 2014. - Fer Taboy