KAPANALIG, ang isyu ng terorismo ay isang matinding isyu na pilit na sumisiksik sa lahat ng dimensyon ng buhay ng iba’t ibang bansa ngayon. Sa kasagsagan ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) kamakailan, ang terorismo ay isa sa mga isyung panlipunan na hindi natin dapat balewalain.
Ang terorismo ay malaking balakid sa pagtutulungan ng mga bansa tungo sa kaunlaran at kapayapaan. Kung ito ay magiging anino sa bawat hakbangin ng mga bansa, ang kooperasyon at kolaborasyon ay babagal at maaantala. At sa pagkaaantala na ito, maraming mamamayan, hindi lamang sa atin, kapanalig, kundi maging sa ibang bansa, ang mananakawan ng pagkakataon na umunlad.
Ano nga ba ang terorismo at bakit nangyayari ito?
Maraming kahulugan ang salitang ito, at kadalasan, ang mga depinisyon na ito ay kulang. Ang tunay na kahulugan ng terorismo ay makikita sa mga mata ng mga biktima nito: dito nakikita ang ibayong takot at trauma, kawalan ng masusulingan at kawalan ng pag-asa. Base sa magiging epekto nito sa biktima, ang terorismo ay anumang gawaing nagnanakaw sa kalayaan ng tao na mamumuhay ng mapayapa, panatag ang loob, at may pag-asa. Tinatanggal nito ang karapatan at kapangyarihan ng tao na gumalaw na may dignidad at dangal sa mundo.
Kaya nga’t mahirap kalabanin ang terorismo dahil ang mga pasimuno nito ay tila hindi kumikilala sa dangal at angking dignidad ng bawat tao, kahit ano pa man ang kulay, lahi, antas sa lipunan, at iba pa. Sa ating bansa, maraming acts of terror ang sinasabing conflict-based at pulitikal. Kadalasan, ito ay ukol sa kapangyarihan. Ngunit, hindi rin maitatatwa na ang pera ay kasangkot din sa usapan na ito.
Ilan sa mga acts of terror na nakaukit na sa ating kasaysayan ay ang Plaza Miranda Bombing, ang pambobomba sa San Pedro Cathedral sa Davao noong 1981 habang idinaraos ang misa para sa Pasko ng Pagkabuhay, ang pagsugod sa Ipil, Zamboanga noong 1995, ang Sipadan kidappings noong 2000, ang Rizal day bombings at marami pang iba, kapanalig.
Mahirap supilin ang terorismo lalo na’t ang ugat nito ay malalim at mahirap arukin. Ngunit isa sa mahahalagang sangkap, kasama ng mga polisiya, inclusive growth, at pagbabantay, ay pagkakaisa, hindi lamang sa loob ng ating bayan, kundi ng lahat ng mga bayan. Ayon nga kay Pope Francis sa kanyang Angelus Address noong August 25, 2013:
“It is not conflict that offers prospects of hope for solving problems, but rather the capacity for encounter and dialogue.”
Sumainyo ang katotohanan! (FR. ANTON PASCUAL)