Magdaraos ang Commission on Elections (Comelec) ng public hearing sa Biyernes, Nobyembre 27, kaugnay ng panukalang pagboto sa mga shopping mall sa Mayo 9, 2016.

Sa isang notice to the public na inisyu ng Comelec, nabatid na ang public hearing ay isasagawa dakong 10:00 ng umaga sa ground floor ng Palacio del Gobernador sa Intramuros, Manila.

Inaasahang iimbitahan ng Comelec ang mga partido pulitikal, gayundin ang mga ordinaryong mamamayan, upang makuha ang kanilang opinyon hinggil sa planong pagdaraos ng botohan sa mga mall.

“All interested parties are invited to attend the public hearing on the transfer of polling precincts to identified public malls,” saad sa notice ng poll body.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa ilalim ng Omnibus Election Code (OEC), bago palitan ang itinakdang polling place ay kailangan munang magdaos ng Comelec ng public hearing tungkol dito.

Isinusulong ng Comelec ang mall voting para maging mas kumbinyente sa mga botante.

Bagamat maraming grupo ang tutol dito, sinabi naman ni Bautista na naniniwala ang Law Department ng Comelec na may legal na basehan para sa mall voting.

Una nang sinabi ni Senate Electoral Reforms and People’s Participation Committee Chairman Aquilino Pimentel III na alinsunod sa Section 42 ng Omnibus Election Code, ang botohan ay dapat isagawa sa mga pampublikong paaralan at iba pang pasilidad ng gobyerno bilang alternatibo. (Mary Ann Santiago)