SA harap ng pag-atake ng mga terorista sa Paris, France, na nagbabantang makaapekto sa lumalawak na pagtanggap ng mga bansa sa Kanluran sa refugees, ipinaalala ni Pope Francis na ang mga refugee ay hindi lamang estadistika; sila ay mga anak ng Diyos.
Isa sa armadong kalalakihan na pumatay sa 129 na sibilyan sa ilang lugar sa Paris noong nakaraang linggo ay pinaniniwalaang isang Syrian na tumawid sa Aegean Sea patungong Greece kasama ng mga tumakas mula sa digmaang sibil sa Syria, bago nagbiyahe pahilaga patungong Germany at dumiretso sa France. Isa pang asylum seeker—isang Algerian—ang ipiniit sa Germany kaugnay ng mga pag-atake sa Paris. Sa United States, na libu-libong refugees mula sa Middle East ang naghahanap ng matutuluyan, 19 na estado ang nagpahayag ng pagtutol sa pagtanggap ng karagdagang mga Syrian.
Nagsalita ang Papa para sa refugees sa kanyang pagdalo sa Jesuit Refugee Service, na sa nakalipas na 35 taon ay naglilingkod sa mga lugar ng kaguluhan sa Africa, Asia, at Middle East, nagsisilbi, tumutulong, gumagabay at nagtatanggol sa mga karapatan ng refugees.
Maging ang Vatican ay maaaring puntiryahin ng terorismo, ayon kay Vatican Secretary of State Cardinal Pietro Parolin, matapos na maglabas ng video ang Islamic State na ang mga miyembro ng koalisyong militar laban sa grupo na nasa Iraq at Syria ay posibleng maging susunod na target ng grupo pagkatapos ng Paris. Kabilang sa mga siyudad na pinagbantaan ang London, Washington, Teheran, at Rome.
Sa harap ng mga bantang gaya nito, muling binigyang-diin ng Papa ang pangangailangan sa awa at malasakit, ang simbolo ng kanyang papacy. Hindi dapat kalimutan, aniya, ng mga naglilingkod para sa refugees na mismong ang Banal na Pamilya ay lumikas mula sa Bethlehem patungong Egypt upang takasan ang utos ni Haring Herodes na patayin ang sanggol na si Hesus. Kaya naging refugees din sila kasama ng mga estranghero, ayon sa Papa. Kalaunan, sa ministro ni Kristo, ayon sa Papa, sinabi Niya: “Mapalad ang mga maawain, dahil sila ay kaaawaan.”
Umasa tayong ang awa at malasakit na ipinakikita sa libu-libong refugees sa Europe ay hindi magmamaliw dahil sa mga pag-atake ng mga terorista sa Paris. Posibleng totoo na ilan sa mga umatake sa Paris ay nakapasok sa France sa pagpapanggap na refugees, ngunit hindi nito mababago ang katotohanan na ang napakaraming naghahanap ng matutuluyan na ito ay mga biktima ng digmaan at terorismo sa sarili nilang bayan.
Mahigit isang buwan mula ngayon, ipagdiriwang ng mga Kristiyano ang pagsilang ni Kristo, ang batang refugee na noong unang panahon ay tumakas mula sa terorismo ni Herodes. Muling umapela si Pope Francis para sa refugees ng mundo sa ngayon at umaasa ang lahat ng may mabubuting puso na pakikinggan ng mga pinuno ng mga bansang magkakaloob ng bagong tahanan sa refugees ang panawagang ito ni Pope Francis.