Bumalik na sa normal ang operasyon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos makaalis na ng Pilipinas ang mga state leader, kasama ang kanilang delegasyon, na dumalo sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders’ Summit sa Manila.

Sinabi ni Dante Basanta, NAIA Terminal 1 manager, na mananatili ang seguridad na inilatag sa mga sensitibong lugar ng paliparan dahil papalapit na ang Pasko, upang mabigyan ng proteksiyon ang mga pasahero.

Bukas na rin ang mga establisimiyento sa loob at labas ng paliparan kasabay ng pagbubukas ng mga kalsada sa paligid ng NAIA matapos alisin ang ‘sangkaterbang plastic barrier ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Inihayag ng Airline Operators’ Council na bagsak ang negosyo sa NAIA dahil sarado ang mga kainan at shop, bunsod ng mahigpit na seguridad na ipinairal ng airport authorities para sa mga APEC delegate.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Matatandaan na mahigit 1,000 flight ang nakansela sa NAIA Terminals 1, 2 at 3 upang bigyang-daan ang pagdating ng mga delegado na dumagsa para sa regional summit. (Ariel Fernandez)