Nagbabala kahapon si Moro Islamic Liberation Front (MILF) Chairman Al-Haji Murad Ebrahim na mananagot ang sinumang lalabag sa pagbabawal ng MILF sa pakikibahagi sa eleksiyon sa Mayo 9, 2016.
Saklaw ng ban ang mga opisyal ng MILF, mula sa mga barangay chairman hanggang sa mga kasapi ng Central Committee nito.
Para sa Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) at Provincial Police Forces (PPF) ng grupo, ang pagbabawal ay nakadirekta sa mga partikular na mga platoon commander hanggang sa pinakamataas na opisyal ng BIAF at PPF.
Oktubre 16 ngayong taon nang ihayag ng MILF na hindi ito makikibahagi sa halalan sa susunod na taon, sinabing ito ay batay sa umiiral na polisiya ng grupo simula noong 1977.
Ngunit pinahihintulutan ng MILF ang mga rank and file member nito na bumoto.
Ipinagbabawal sa mga opisyal ng MILF ang pagkandidato sa anumang posisyon, paglahok sa pangangampanya, at paggamit ng kagamitan ng grupo, gaya ng mga sasakyan, para sa eleksiyon.
“Strict compliance and adherence to said policy is hereby enjoined to all concerned. Any violation to this Policy Memorandum will be dealt with accordingly under the MILF Judicial System,” saad ni Ebrahim sa kanyang memorandum.
Hindi naman tinukoy ni Ebrahim kung anong uri ng parusa ang ipapataw sa mga lalabag sa nabanggit na polisiya.
Ang polisiya ay batay sa pagiging rebolusyonaryong organisasyon ng MILF, at dahil ang Moro Front “believes and pursues a different method of choosing leaders of society.”
Bukod pa rito, hindi pa naipapasa ng Kongreso ang panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL). (LEO P. DIAZ)