NAKUMPLETO na ng Japan International Cooperation Agency (JICA) ang roadmap na magpapasigla pa sa mga aktibidad na pang-ekonomiya sa Metro Cebu, 15 beses na mas mataas kaysa noong 2010, at lilikha ng isang milyong trabaho para sa mga Pilipino pagsapit ng 2050. Natatanaw ng roadmap ang pag-unlad ng 5.8 porsiyento sa gross domestic product (GDP) sa susunod na 35 taon.

Ang Metro Cebu, ang sentro ng ekonomiya sa Region 7 (Central Visayas), ang ikalawang pinakamalaking metropolis sa bansa na may 2.55 milyong populasyon noong 2010, na maaaring madoble sa 2050. Ang GDP ng Cebu City, ang queen city of the south, ay inaasahang sisipa sa mahigit $20,000 sa 2050, gaya ng naitala ng South Korea noong 2010. “Central Visayas can become a leading growth center, with potential to sustain economic gains and generate employment,” saad sa “Study for Sustainable Urban Development in Metro Cebu” ng JICA.

Ang pagsigla ng populasyon ay isang dahilan upang magtulungan ang mga komunidad sa Metro Cebu, partikular sa mga problemang tumatawid sa mga hangganan, gaya ng pagsisikip ng trapiko at matinding baha, ayon sa JICA, tinukoy ang mayaman nitong pamana sa kultura, at kasaysayan ng relihiyon, bukod pa sa mahuhusay at matataas ang pinag-aralang residente, na pawang pangunahing pang-akit ng metropolis. Nakikipag-ugnayan ang JICA para sa official development assistance mula sa gobyerno ng Japan.

Iprinisinta ng JICA-Philippines ang roadmap sa National Economic and Development Authority (NEDA), na naghahanda na para sa Mega Cebu Vision upang tulungan at gabayan ang susunod na administrasyon sa development plans nito. Ang master plan ng Metro Cebu ang magsisilbing ayuda, magbibigay-kaalaman, at gagabay sa tinatahak ng bansa para sa pangmatagalang kaayusan, ayon sa NEDA.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ginawa sa pakikipagtulungan ng Metro Cebu Development and Coordinating Board at ng Yokohama City, Japan, simula 2013, puntirya ng roadmap ang pagsasakatuparan ng Mega Cebu Vision 2050, ang blueprint para sa napananatiling pag-unlad ng ekonomiya, na nakaangkla sa apat na estratehikong suporta—competitiveness, mobility, livability, at metropolitan management.

Saklaw nito ang pitong siyudad ng Metro Cebu, ang Cebu, Danao, Mandaue, Lapu-Lapu, Talisay, Naga, at Carcar; at anim na munisipalidad ng Compostela, Liloan, Consolacion, Cordova, Minglanilla, at San Fernando. Ang roadmap ay may 10 flagship project at 14 na programang ipatutupad sa 2050, kabilang ang paglikha ng nakaaakit na urban centers, mga parke, at open spaces, at magpapatibay ng gateway functions at ekolohiya, upang magawa ng Metro Cebu na makipagsabayan sa Yokohama at Kyoto sa Japan, Singapore, London, Chicago, at Paris. Ang pitong sub-roadmap ay ang pagpapahusay ng Metropolitan Competitiveness; urban structure at paggamit ng lupa; pag-uugnay ng mga highway at pampublikong transportasyon; supply ng tubig at pangangasiwa sa maruming tubig; solid waste management; south road properties development; at pamamahala sa maunlad na siyudad.