LIKAS sa mga Pilipino ang magpahalaga sa mga makabuluhan at mahalagang tradisyon at kultura. Nag-ugat ito sa ating kasaysayan. At ang isa sa mga bayan sa lalawigan ng Rizal na matibay at hindi nalilimutang bigyang-buhay ang kanilang minanang tradisyon ay ang bayan ng Angono.
Tuwing Nobyembre 23, taun-taon, makulay, makahulugan at masiglang ipinagdiriwang ang kapistahan ni San Clemente na kapistahan din ng Angono. Ang pagdiriwang ay bilang pasasalamat sa Dakilang Maykapal, sa patnubay ng kanilang patron saint na si San Clemente na hinirang bilang ikatlong santo papa na sinundan ni San Pedro.
Ang kapistahan ni San Clemente at ng Angono ay bahagi na ng kanilang tradisyon na nakaugat sa kultura at nasa kalendaryo na rin ito ng Department of Tourism (DoT). Dinarayo ng mga tao mula sa mga karatig-bayan, turistang lokal at dayuhan.
Ayon sa kasaysayan, ang kapistahan ni San Clemente sa Angono ay nagsimula pa noong 1880 nang magtayo si Kapitan Frncsco Guido, ang may-ari noon ng Hacienda de Angono, ng isang simbahan sa Biga (isang magubat na pook sa paanan ng bundok na ngayo’y isa ng subdibisyon). Ang pagkakatibag ng guhong simbahan ay isinisi sa isa sa mga naging mayor na walang sense of history at sense of culture. Ang kapistahan ni San Clemente at ng Angono ay naging paksa at binigyang-buhay sa mural painting ng National Aritst na si Carlos Botong Francisco at maging ng mga kabataang pintor sa Angono.
Nahahati sa apat na bahagi ang kapistahan ni San Clemente at ng Angono. Una ay ang siyam na gabing nobena-misa sa simbahan ng Saint Clement Parish. Ito ay nagsisimula tuwing Nobyembre 14 hanggang Nobyembre 22. Matapos ang nobena-misa sa bawat gabi, kasunod na ang pagsasayaw ng mga may panata at debosyon kay San Clemente at mga nakiisa sa nobena sa harap ng simbahan. Tinatawag itong “Sayaw ng Panata” bilang pasasalamat sa natanggap na biyaya at natupad na kahilingan sa Diyos sa patnubay ng patron. Ang Sayaw ng Panata ay sinasaliwan ng tugtog na martsa ng Angono National Symphonic Band. Tatlong masayang tugtuging martsa ang isinasaliw sa Sayaw ng Panata. Ang huling tugtugin ay ang “Awit kay San Clemente” sa tempo ng martsa na binuo ng National Artist na si Maestro Lucio San Pedro.
Bahagi rin ang prusisyon ng dalawang beses sa panahon ng nobena-misa. Kasama sa prusisyon ang imahen ni San Clemente, ang imahen nina San Isidro at Mahal Birhen. Ang unang prusisyon ay tuwing ika-14 ng Nobyembre na unang araw ng nobena-misa. Ang ikalawang prusisyon ay tuwing ika-18 ng Nobyembre na ikaapat na araw ng nobena-misa. Sa bisperas ng kapistahan, Nobyembre 22, tampok ang bisperas-mayores na itinatampok ang parada ng mga banda at musiko sa bawat tahanan. Bahagi rin ng kapistahan ang Higantes Festival Ngayong 2015. (CLEMEN BAUTISTA)