Upang maiwasang maulit ang bangungot ng matinding traffic sa Metro Manila, iginiit ni Sen. Joseph Victor “JV” Ejercito na dapat ding tingnan ng gobyerno ang posibilidad na idaos ang susunod na pagpupulong ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) sa ibang siyudad sa bansa.

“Kung tayo muli ang tatayong host ng APEC, dapat ikonsidera rin ang iba pang magandang lugar na mayroong international airport, tulad ng Palawan, Cebu, Davao, Laoag, o Clark. Masyadong masikip na sa Metro Manila at NAIA para pagdausan ng malaking event tulad ng APEC,” saad sa pahayag ni Ejercito.

Aniya, ang ganitong hakbang ay magbibigay ng oportunidad upang makatulong sa pagpo-promote ng ibang siyudad at tourist destination sa Pilipinas sa mga banyagang mamumuhunan, at upang maibsan ang pagsisiksikan ng mga motorista sa Metro Manila.

Dapat din, aniya, na sabayan ng pagtatayo ng mga imprastruktura at pampublikong transportasyon sa mga lugar sa labas ng Metro Manila upang matugunan ang mga pangangailangan ng malalaking okasyon na tulad ng APEC meeting.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sa kabila ng matinding perhuwisyo na idinulot ng pagsasara ng ilang pangunahing lansangan sa Metro Manila para may eksklusibong madaanan ang mga state leader at kanilang delegasyon, pinuri ni Ejercito si Pangulong Aquino sa matagumpay at mapayapang pagdaraos ng regional summit.

“As a member of the APEC, we consider the effort to host such an event as a milestone for the Filipinos, as a nation,” ayon kay Ejercito, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs.

“I commend President Benigno Aquino III for managing the event well with no glitch, especially on the security aspects,” dagdag ng miyembro ng oposisyon.

Kinatigan din ni Ejercito ang deklarasyon ng Malacañang na makakukuha ng atensiyon ang Pilipinas para sa karagdagang foreign investor matapos idaos ang APEC Leaders’ Summit sa bansa. (HANNAH TORREGOZA)