BAMAKO - Umabot sa 27 ang namatay sa pag-atake ng mga militanteng Islam sa isang kilalang hotel sa Mali bago pinasok ng Malian commando ang gusali para iligtas ang 170 katao, karamihan sa kanila ay dayuhan.

Inihayag ni President Ibrahim Boubacar Keita ang bilang ng mga namatay habang pito naman ang nasugatan sa pag-atake, na kagagawan ng grupong jihadist na Al Mourabitoun at ng Al Qaeda in the Islamic Maghreb (AQIM).

“Tonight the death toll is heavy,” pahayag ni Keita sa state television, at nagdeklara ng 10-araw na state of emergency at tatlong araw na pagluluksa ng buong bansa. Sinabi ng presidente, na hindi itinuloy ang pagdalo sa summit sa Chad, na dalawang militante ang namatay.

“Once again, this barbarity only stiffens our resolve to meet this challenge,” aniya. “We will stand with the people of Mali as they work to rid their country of terrorists and strengthen their democracy. With allies and partners, the United States will be relentless.”

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ayon kay Minister of Internal Security Colonel Salif Traoré, nagsimulang pasukin ng mga militante ang security barrier ng hotel dakong 7:00 ng umaga (2.00 a.m. ET/0700 GMT), sunud-sunod na nagpaputok ng baril habang sumisigaw ng “Allahu Akbar” (“God is great”).

“At first I thought it was a carjacking. Then they killed two guards in front of me and shot another man in the stomach and wounded him and I knew it was something more,” kuwento ni Modi Coulibaly, isang Malian legal expert na nakasaksi sa pagsisimula ng pag-atake.

Natapos ang atake dakong 4:00 ng hapon.

Ayon sa U.S. State Department, isang Amerikano ang napatay. Sinabi naman ng White House na sinisikap na nitong matunton ang lahat ng Amerikano sa Mali.

Kabilang din sa mga napatay ang lalaking nagtatrabaho para sa Belgian regional parliament.

Nangyari ang pag-atake sa Mali isang linggo makaraan ang mga pag-atake sa Paris, France, na ikinamatay ng 130 katao.

MUNDO VS IS

Kaugnay nito, binigyan ng go-signal ng UN Security Council nitong Biyernes ang mga bansa “[to] take all necessary measures” upang labanan ang grupong Islamic State.

Inaprubahan ng council ang kasunduang inilatag ng France, na nananawagan sa lahat ng miyembro ng UN na “redouble and coordinate their efforts to prevent and suppress terrorist attacks” na kagagawan ng IS at iba pang grupong may kaugnayan sa Al Qaeda.

Tinanggap ni French President Francois Hollande ang kasunduan, sinabing ang resolusyon “help mobilise nations to eliminate Daesh (IS)”, na umamin sa pag-atake sa Paris nitong Nobyembre 13.

Ayon kay Foreign Minister Laurent Fabius, kinakailangan nang makagawa ng konkretong paraan ang mga bansa upang masuportahan ang laban “either through military action, the search for political solutions or the battle against terrorist financing.”

“This resolution is a powerful international recognition of the threat posed by ISIL,” pahayag naman ni British Ambassador Matthew Rycroft.

Inilarawan ito ng British envoy bilang isang “call to action” sa member-states na makiisa sa international efforts upang talunin ang IS at iba pang grupo ng mga terorista. (Reuters at AFP)