SUGBONGCOGON, Misamis Oriental – Pinalaya ng New People’s Army (NPA) nitong Biyernes ang isang sundalo ng Philippine Army matapos itong bihagin bilang prisoner of war (POW) sa Gingoog City 132 araw na ang nakalipas.

Muling nakapiling ni Private First Class Adonis Jess Lupiba, ng 58th Infantry Batallion, ang kanyang pamilya matapos siyang bihagin ng mga rebelde sa kasagsagan ng engkuwentro apat na buwan na ang nakalilipas.

Pinangunahan ni Ka Allan Juanito, secretary general ng North Central Mindanao Committee ng NPA, ang seremonya sa pagpapalaya kay Lupiba, na inilipat ang kostudiya sa Local Crisis Committee, na pinamumunuan ni Misamis Oriental Governor Yevgeny Vincente Emano, at sa Third Party Facilitators, na pinamumunuan ni Iglesia Filipina Independiente (IFI) Bishop Felixberto Calang.

Kasama ni Juanito si Balatukan sub-regional commander Lorena Mangahas at may 100 armadong rebelde, sa seremonya sa Barangay Kaulayanan sa bayan ng Sugbongcogon.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Ayon kay Juanito, matagal nang nais palayain ng NPA si Lupiba, ngunit hindi nila ito nagawa dahil sa sunud-sunod na pag-atake ng militar para mabawi ang sundalo.

Halata ang pananamlay ni Lupiba, ngunit maayos ang kalagayan niya, bagamat halata ang mga kagat ng insekto sa magkabila niyang braso.

Sinabi ni Juanito na maayos ang naging trato nila kay Lupiba, bagamat sinabi ng huli na 24-oras siyang nakakadena, maliban na lang kung gumagamit siya ng banyo.

Matapos ang seremonya at nang tuluyang nakapiling ni Lupiba ang kanyang asawa at mga magulang, mistulang bata na humagulgol ang sundalo.

Ayon kay Lupiba, hindi pa siya nakapagdedesisyon kung magpapatuloy pa siya sa militar at kakailanganin muna niyang konsultahin ang kanyang misis na si Henilou. Ngunit sa ngayon, sa kanyang pag-uwi ay hiling ni Lupiba na makakain siya ng paborito niyang chopsuey.

Malugod namang tinanggap si Lupiba ng Army bilang isang “hero soldier”, sinabing isinakripisyo ni Lupiba ang sariling kalayaan upang mapalaya ang mga residente ng Barangay Alagatan sa Gingoog City, na ginamit na human shield ng mga rebelde noong Hulyo 11, 2015.

Sa nasabing engkuwentro, na tumagal ng 20 minuto, dalawang sibilyan ang nasugatan, isang sundalo ang napatay at nabihag si Lupiba.

At bilang pagkilala sa kanyang kabayanihan, pagkakalooban ng 4th Infantry Division si Lupiba ng hero’s welcome at itataas ang ranggo sa Corporal. (CAMCER ORDOÑEZ IMAM)